Patay sa Abra quake, 6 na; 136 sugatan!

Patay sa Abra quake, 6 na; 136 sugatan!

July 29, 2022 @ 11:18 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa anim ang nasawi sa magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes.

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, alas-6 ng umaga, sinabi ng konseho na ang karagdagang nasawi ay  naiulat mula sa Ilocos Region habang lima ang naiulat at kalaunan ay nakumpirma sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Sinabi pa ng NDRRMC na apat katao ang naiulat na nawawala sa CAR at 136 ang nasugatan sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera dahil sa lindol.

May kabuuang 79,260 katao o 19,486 na pamilya sa 246 na barangay sa Ilocos at CAR ang naapektuhan ng lindol, sabi ng NDRRMC.

Idinagdag nito na nasa 5,819 indibidwal o 1,622 pamilya ang nananatili sa loob ng 26 evacuation centers, habang 1,512 katao o 360 pamilya ang nananatili sa labas ng evacuation centers.

Ayon sa NDRRMC, may kabuuang 1,583 bahay ang nasira ng lindol — 1,535 partially at 48 totally — sa Ilocos at CAR.

Sinabi rin ng NDRRMC na nasa P48.3 milyong halaga ng pinsala ang naiulat sa Ilocos, Cagayan, at CAR.

Ang National Irrigation Administration ay nag-ulat ng P4.5 milyong halaga ng pinsala, sinabi ng NDRRMC, habang ang Kagawaran ng Agrikultura ay nag-ulat ng higit sa P3.8 milyong halaga ng pinsala sa CAR.

“Tuloy din po ang effort para mabigyan ng costing itong mga nasirang heritage structures dyan po sa Vigan,” ani NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa interbyu sa GMA.

Samantala, naibalik na ang kuryente sa 38 lungsod at munisipalidad, sabi ng NDRRMC. Isang lugar ang nakaranas ng pagkaputol ng suplay ng tubig na hindi pa naibabalik, dagdag ng opisyal.

Nasa 94 na klase at 183 na iskedyul ng trabaho ang nakansela sa Ilocos, Cagayan, at CAR dahil sa lindol.

Sa ngayon, nasa P396,360 ang tulong na naibigay sa mga biktima sa CAR, ayon sa NDRRMC. RNT