Patay sa bagyong Paeng, 159 na

Patay sa bagyong Paeng, 159 na

November 9, 2022 @ 2:40 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa 159 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Paeng sa bansa.

Ito ang ibinalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, Nobyembre 9.

Dagdag pa rito, umabot naman sa nasa P4.27 bilyon ang pinsala sa agrikultura mula sa naunang ulat na P3.08 bilyon nitong Martes, Nobyembre 8.

Dahil dito ay apektado ang nasa 109,000 mga magsasaka at mangingisda mula sa 121,000 hektarya ng mga taniman na napinsala.

Samantala, sa huling ulat ay mayroong 147 katao ang nasaktan at 30 pa ang patuloy na hinahanap sa pananalasa ng bagyo batay sa 6 a.m. report ng NDRRMC.

Sa sektor ng imprastruktura ay nakapagtala na ng P4.66 bilyon pinsala mula sa P4.5 bilyon na naiulat nitong Martes kabilang na ang mga nasirang kalsada, tulay, flood control projects at mga paaralan.

Naapektuhan din ng bagyo ang nasa 5.3 milyon katao o 1.3 milyon na pamilya kung saan nananatili pa rin sa 214 evacuation centers ang nasa mahigit 10,000 pamilya o 46,000 na mga indibidwal. RNT/JGC