Patay sa bagyong Paeng umakyat na sa 73 – NDRRMC

Patay sa bagyong Paeng umakyat na sa 73 – NDRRMC

November 1, 2022 @ 8:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa 73 ang kumpirmadong nasawi sa bansa dahil sa pananalasa ng Tropical Storm Paeng.

Ito ang kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes ng gabi, Oktubre 31 sa pinakahuling situation report.

Ayon sa NDRRMC, 53 sa mga ito ang mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao dulot ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa.

Maliban dito, may 42 nasaktan at 29 ang nawawala.

Dagdag pa ng NDRRMC, mayroon pang 28 mga nasawi ang patuloy na bineberipika at maaaring magpataas sa reported fatalities sa 101.

Mayroon namang 618,817 pamilya o 2,039,363 indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 5,466 mga barangay.

Kabuuang 4,863 mga bahay naman ang nasira samantala 4,105 ang partially damaged at 758 ang totally damaged.

Sa kasalukuyan ay mayroon na ring 158 lungsod at munisipalidad sa bansa ang nagdeklara ng state of calamity. RNT/JGC