Patay sa baha, landslide sa Mindanao, 67 na

Patay sa baha, landslide sa Mindanao, 67 na

October 29, 2022 @ 8:13 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa 67 ang bilang ng mga nasawi dahil sa matinding pagbaha at landslide na naranasan sa Mindanao.

Ito ay batay sa official tally nitong Biyernes, Oktubre 28 na ang karamihan ay mula sa isang komunidad sa paanan ng bundok na natabunan ng buo ng lupa.

Halos 50 sa kabuuang bilang ay nagmula sa Kusiong na nasa Datu Odin Sinsuat, na natabunan ng mga putik, bato at binaha pa dahil sa matitinding pag-ulan.

May kapareho ring insidente ng mudslide ang naitala sa kalapit-bayan na Datu Blah Sinsuat at Upi kung saan 17 naman ang nasawi.

Mayroong 11 indibidwal ang patuloy na pinaghahanap at 31 naman ang nasaktan.

Ayon kay Naguib Sinarimbo, civil defense chief ng Bangsamoro government, nabigla ang mga residente sa biglaang pag-angat ng tubig-baha na ang ilan ay umabot pa sa bubong ng mga tirahan.

Sa mga nagdaang taon, problema na ang baha na may kasamang putik at debris dahil sa mga bundok na kinalbo, at nagresulta rin ng ilang pagkawala ng buhay. RNT/JGC