Patay sa baha sa Davao del Sur, umakyat na sa 3

Patay sa baha sa Davao del Sur, umakyat na sa 3

November 19, 2022 @ 3:09 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tatlo na ang naitalang patay sa matinding pagbaha sa Davao del Sur nitong Huwebes, Nobyembre 17.

Ito ay ayon sa ulat ng Office of Civil Defense kung saan ang pinakahuling nakuhang bangkay ay isang babae nitong Biyernes sa ilog na sakop ng Brgy. Rizal, Bansalan ng nasabing probinsya.

Sa impormasyon ng Bansalan Municipal Police Station,

napansin umano ng isang estudyante na may masangsang na amoy na nagmumula sa gilid ng ilog at doon na nila nakita ang bangkay ng babae na may suot na kulay berdeng damit.

Sa imbestigasyon ay tinangay umano ng malakas na agos ng tubig sa ilog ang babae sa kasagsagan ng baha.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na dagdag sa dalawang naunang nasawi na si Evelyn Matango nang matabunan ng landslide sa Brgy. Ibo, Malalag, Davao del Sur.

Ang isa naman ay mula sa Brgy. Bolton, Malalag na nasawi rin matapos tangayin ng baha.

Sa pagsusuri ng OCD Region 11, umabot na sa mahigit 6,000 pamilya ang apektado ng baha mula sa tatlong munisipalidad sa Davao del Sur. RNT/JGC