Patay sa Caloocan city jail riot, 6 na; sugatan 33

Patay sa Caloocan city jail riot, 6 na; sugatan 33

January 11, 2022 @ 11:33 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pumalo na sa anim ang namatay habang 33 naman ang sugatan sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa naganap na riot sa Caloocan City Jail kahapon (January 10).

Inanunsyo ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson JSUPT Xavier Solda kaugnay na rin sa naganap na kaguluhan sa nasabing kulungan.

Dagdag pa ng opisyal, nanatili  nasa heightened alert ang naturang piitan habang sinibak naman na bilang Caloocan City Jail warden si Jail Superintendent Neil Subibi dahil sa command responsibility at ang humalili sa kanya ay si JSUPT Lloyd Gonzaga.

Sa imbestigasyon ng BJMP, nagsimula lamang ang kaguluhan sa dalawang indibidwal na lumaki at sumiklab ang riot sa pagitan ng dalawang pangkat na kinabibilangan ng Commando gang at Sigue Sigue Sputnik.

Napag-alaman na kagabi nagsagawa ng dayalogo ang BJMP sa mga inmates kasabay na rin sa pagsasagawa ng Greyhound Operations sa pasilidad upang linisin ang mga selda mula sa anumang kontrabando.

Nanatili naman ang karagdagang pwersa ng BJMP personnel ang inilatag sa pasilidad upang siguruhin ang kaayusan at katahimikan sa naturang piitan habang pansamantala naming itinigil ang anumang aktibidad sa pasilidad habang isinasagawa ang malalimang imbestigasyon sa pangyayari.

Samantala, ipinag-utos ni BJMP chief Jail Director Allan Iral sa pamunuan ng BJMP NCR ang pagpapabilis na maibalik ang normalidad sa loob ng Caloocan City Jail.

Labis naman na ikinalulungkot ng pamunuan ng  BJMP ang mga pangyayaringsubalit nanatiling magpapatuloy pa rin ang kanilang trabaho para isulong ang mga programang makatutulong sa mga PDL’s sa lahat piitan sa buong bansa.

Nakikipag-ugnayan na ang BJMP sa pamilya na mga namatay na preso sa riot at hindi muna nila ito pinangalanan hanggat hindi pa nalalaman ng kanilang mga pamilya na siyang sinusunod na protocol ng ahensya. Jan Sinocruz