Patay sa Christmas flooding, umakyat na sa 52 – NDRRMC

Patay sa Christmas flooding, umakyat na sa 52 – NDRRMC

January 4, 2023 @ 5:07 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa 52 ang bilang ng mga nasawi sa matinding pagbaha dulot ng malakas na ulan noong Pasko.

Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa latest situation report nito kung saan mayroong 26 ang naitalang nasawi sa Northern Mindanao.

Mayroon naman na siyam na nasawi sa Bicol Region, lima sa Eastern Visayas, tig-apat sa Zamboanga Peninsula at Davao Region, tatlo sa Davao Region habang isa naman sa Mimaropa.

Maliban dito, mayroon pang 18 nawawala at 16 na naiulat na nasaktan.

“Ang pinakanaapektuhan sa lahat ng mga rehiyon ay Caraga, [Northern Mindanao], at ang [Eastern Visayas]. Ito ang may malalaking populasyon na naapektuhan,” sinabi ni Diego Agustin Mariano, Office of Civil Defense joint information head.

Sa datos ay mayroong nasa 163,000 pamilya o 640,000 indibidwal ang apektado ng mga pagbaha at malalakas na pag-ulan dulot ng shear line na nagsimula noon pang bisperas ng Pasko. RNT/JGC