Patay sa flash flood, mudslides sa Brazil, 176; mahigit 110 nawawala

Patay sa flash flood, mudslides sa Brazil, 176; mahigit 110 nawawala

February 22, 2022 @ 9:33 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 176 ang bilang ng mga nasawi habang 110 ang nawawala sa mudslides at flash floods sa Brazil na dulot ng walang humpay na pag-ulan, ayon sa Rio de Janeiro state civil defense.

Nagpapatuloy naman ang isinasagawang rescue at retrieval operations sa mga nawawalang kamang-anak na natabunan ng mga putik at guho sa kabundukan.

Isinalarawan naman ni Pangulong Jair Bolsonaro ang naturang pangyayari na mistulang winasak ng giyera.

Matatandaan na hinambalos ng malakas na ulan ang Brazil at pinakalubhang napinsala ang southeastern state ng Espirito Santo kung saan matatagpuan ang Petropolis.

Dahil sa bagyo, may 1,243 katao ang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan matapos ragasain ng gumuhong putik at tubig-baha.

Ayon sa mga eksperto, ito na ang pinakamabagsik na nangyaring bagyo sa Brazil, dulot ng pagbabago ng klima.

Nagpaabot na ng pakikiramay si Pope Francis sa pamilya ng mga biktima. RNT