Patay sa LPA, shear line umakyat na sa 38 – NDRRMC

Patay sa LPA, shear line umakyat na sa 38 – NDRRMC

January 24, 2023 @ 11:59 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Umakyat pa sa 38 ang bilang ng mga nasawi dahil sa masamang panahon dulot ng low pressure area (LPA) at shear line na nagsimula pa noong Enero 1.

Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang 6 a.m. report nitong Martes, Enero 24.

Sa impormasyon, 12 sa mga iniulat na nasawi ay mula sa Zamboanga, tig-walo sa Bicol at Northern Mindanao, pito sa Eastern Visayas, at tig-iisa sa Mimaropa, Davao at Soccsksargen.

Tanging 19 lamang sa mga naiulat na nasawi ang kumpirmado na.

Nasa kabuuang 1,941,146 katao naman o 475,981 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa nabanggit naman na apektadong populasyon, 88,660 indibidwal o 21,607 pamilya ang nananatili pa rin sa 316 evacuation centers habang 27,976 katao o 8,439 pamilya ang nakikituloy sa mga kamag-anak.

Idineklara naman ang state of calamity sa 84 lungsod at munisipalidad sa bansa. RNT/JGC