Patay sa LPA, shear line umakyat sa 39 – NDRRMC

Patay sa LPA, shear line umakyat sa 39 – NDRRMC

January 25, 2023 @ 2:05 PM 6 days ago


MANILA, Philippines – Nadagdag ng isa ang mga naiulat na nasawi dahil sa masamang panahon dulot ng shear line, low pressure area (LPA) at northeast monsoon o Amihan mula pa noong Enero 1.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang 6 p.m. report nitong Martes, Enero 24, umakyat na sa 39 ang bilang ng mga nasawi.

Sa nasabing bilang, 12 sa mga ito ang nagmula sa Zamboanga, siyam sa Bicol walo sa Northern Mindanao, pito sa Eastern Visayas at tig-iisa sa Mimaropa, Davao at Soccsksargen.

Tanging 19 lamang sa mga napaulat na nasawi ang kumpirmado sa kasalukuyan.

Samantala, mayroon namang lima katao ang patuloy pa rin na pinaghahanap at 12 naman ang nasaktan dahil sa masamang panahon.

May kabuuang 1,941,146 katao o 475,983 pamilya ang apektado sa
Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa nasabing apektadong populasyon, 88,660 indibidwal o 21,607 pamilya naman ang tumutuloy pa rin sa 316 evacuation centers habang 27,976 katao o 8,439 pamilya ang nakikituloy sa mga kamag-anak o kaibigan.

Idineklara naman ang state of calamity sa 85 lungsod at munisipalidad. RNT/JGC