Patay sa M7 quake, 11 na-NDRRMC

Patay sa M7 quake, 11 na-NDRRMC

August 5, 2022 @ 11:30 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nadagdagan ng isa pang nasawi ang naiulat bunsod ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes.

Dahil dito, umakyat na sa 11 ang total na nasawi sa lindol.

Ang pinakahuling pagkamatay ay naiulat mula sa Tubo, Abra, ayon sa NDRRMC sa ulat nitong alas-8 ng umaga.

Nakasaad din sa ulat ng NDRRMC na 410 katao ang naiulat na nasugatan dahil sa lindol, na naramdaman sa maraming lugar sa Luzon kabilang ang Metro Manila.

May kabuuang 448,990 katao o 119,730 pamilya ang naapektuhan ng lindol sa 1,188 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Region, at Cordillera Administrative Region, sabi ng NDRRMC.

May kabuuang 2,395 katao o 745 pamilya ang nananatili sa loob ng 21 evacuation centers, habang 48,843 indibidwal o 14,088 ang nananatili sa labas ng evacuation centers, sinabi rin nito.

Nasa 30,285 na bahay naman ang nasira — 29,720 partially at 565 totally — sa Ilocos, Cagayan, Cordillera, at National Capital Region.

Ayon sa NDRRMC, ang Department of Agriculture ay nag-ulat ng P33,227,895 halaga ng pinsala sa sektor nito sa Cordillera, habang ang National Irrigation Administration ay nag-ulat ng P22.7 milyon sa Ilocos at Cordillera.

Para sa mga imprastraktura, sinabi ng NDRRMC na tinatayang nasa P1,342,438,371 ang halaga ng pinsala sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera. RNT