Patay sa masamang panahon, 43 na – NDRRMC

Patay sa masamang panahon, 43 na – NDRRMC

January 30, 2023 @ 12:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa 43 katao ang namatay dahil sa masamang panahon na naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa “6 a.m. report” ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), araw ng Lunes, sinabi nito na 13 katao ang napaulat mula sa Bicol, 12 sa Zamboanga, 8 sa Northern Mindanao,7 sa Eastern Visayas, at tig-isa sa Mimaropa, Davao at Soccsksargen.

Tanging  20 katao naman ang nakumpirmang namatay habang bina-validate pa ang iba, ayon sa NDRRMC.

Sa kabilang dako, 8 katao naman ang napaulat na nawawala habang 11 naman ang napaulat na nasaktan dahil sa matinding epekto ng masamang panahon bunsod ng low pressure areas, shear line, at Northeast Monsoon (Amihan).

May  kabuuan namang  2,043,686 katao o 497,015 pamilya ang naapektuhan sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visyas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at  Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa apektadong populasyon, may 83,723 katao o 20,569 pamilya ang nananatili sa 297 evacuation centers habang may  27,566 indibiduwal o 8,321 pamilya ang mas pinii na manuluyan sa  ibang lugar.

May kabuuang  1,888  bahay ang napaulat na napinsala kung saan may 1,325 ang partially damage at 563  naman ang totally damage.

Ang pinsala  sa agrikultura ay nagkakahalaga ng P1,059,352,780 habang sa imprastraktura naman ay nagkakahalaga ng P523,190,324.

Tinatayang umabot naman sa P25,610,000 ang halaga ng pinsala ayon sa naging ulat ng National Irrigation Administration (NIA).

Idineklara ang state of calamity sa 85 lungsod at munisipalidad.

“Assistance worth P103,462,770 was provided to the victims,” ayon sa NDRRMC. Kris Jose