Patay sa protesta sa Iran, 200 na – security body

Patay sa protesta sa Iran, 200 na – security body

December 4, 2022 @ 11:03 AM 2 months ago


IRAN – Umakyat na sa mahigit 200 katao ang nasawi sa tuloy-tuloy na protesta sa buong bansa na sumiklab sa pagkamatay ni Mahsa Amini habang nasa kustodiya ng pulisya, iniulat ng IRNA news agency, Supreme National Security Council ng naturang bansa.

Si Amini ay 22-taong gulang na Iranian na may Kurdish origin na nasawi noong Setyembre 16 matapos na arestuhin sa Tehran sa di-umano ay paglabag sa umiiral na dress code para sa mga kababaihan sa Iran.

Ayon sa IRNA, kasama sa nabanggit na bilang ang mga nasawing security officers, civilians at separatist, maging ang mga rioters o tawag ng mga Iranian sa mga nagpoprotesta.

Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ng isang heneral sa Islamic Revolutionary Guard Corps na maaaring mahigit pa sa 300 katao ang nasawi dahil sa kaguluhan.

Maliban dito ay nasa milyong dolyar na rin ang halaga ng pinsala dahil sa karahasan.

Ayon naman sa ulat ng Oslo-based non-governmental organization na Iran Human Rights noong Martes, Nobyembre 28, sinabi na nasa 448 katao na ang napatay ng mga security forces sa nagpapatuloy na nationwide protests.

Noong nakaraang linggo ay sinabi ni UN rights chief Volker Turk na mahigit 14,000 katao naman kabilang ang mga bata, ang inaresto sa serye ng mga kilos-protesta. RNT/JGC