Patay sa Turkey-Syria quake sumampa na sa 50K

Patay sa Turkey-Syria quake sumampa na sa 50K

February 26, 2023 @ 11:02 AM 4 weeks ago


TURKEY – Sumampa na sa mahigit 50,000 ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring malakas na lindol sa Turkey at Syria noong Pebrero 6.

Kasabay nito ay inaresto naman ng pamahalaan ng Turkey ang nasa 184 katao na responsable sa pagguho ng mga gusali doon.

Sa magdamag, tumaas sa 44,128 ang bilang ng mga nasawi sa Turkey at kung susumahin kasama ang Syria ay lumampas na sa 50,000.

Mahigit 160,000 gusali naman na naglalaman ng 520,000 apartments ang naitalang gumuho o lubhang napinsala.

Ayon kay Justice Minister Bekir Bozdag, mahigit 600 katao na ang iniimbestigahan kaugnay sa mga gumuhong gusali na posibleng insidente umano ng korapsyon sa building construction.

Kabilang sa mga inaresto at kinasuhan ay ang 79 construction contractors, 74 katao na may legal responsibility sa gusali, 13 property owners at 18 katao na bumago sa disenyo ng gusali.

Sa kasalukuyan ay aabot na sa dalawang milyon katao ang nawalan ng tirahan sa Turkey at pansamantalang tumutuloy sa mga tent, container homes at iba pang pasilidad sa mga apektadong rehiyon.

Mahigit 335,000 tents na ang inilagay sa 130 lokasyon. RNT/JGC