PATAYAN, ‘DI MAIIWASAN SA PAGPATAY SA IBA

PATAYAN, ‘DI MAIIWASAN SA PAGPATAY SA IBA

February 23, 2023 @ 1:54 PM 1 month ago


AYON sa pulisya, napatay nila ang isa sa mga nanambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr.

Tinawag lang na “Otin” ang suspek na armado kalibre .45 baril makaraang makipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Anak umano ito ng isang alyas “Fighter” at nakalalaya pa ito, kasama ang tatlo pang ibang suspek sa pananambang kina Adiong sa Kalilangan, Bukidnon.

Nasugatan sina Adiong at staff niyang si Ali Macapado Tabao ngunit namatay sina PSSgt. Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; PCpl. Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; PCpl. Jalil Ampuan Cosain, 40, at driver na si Kobi.

Saludo tayo kay PBGen. John Guyguyon, hepe ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at sa mga tao niya sa mabilis nilang pagkilala at pag-aksyon laban sa mga suspek.

Isang malaking hamon naman kay PBGen. Percival Rumbaoa, hepe ng Police Regional Office 2 – ang pag-ambush kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Namatay si Almeda, gayundin sina John Duane Alameda, 46, driver; at Alexander delos Angeles, 47; Alvin Abel, 48; Abraham Ramos Jr., 48; at Ismael Nanay na pawang mga taga-Aparri.

Nakilala na umano ang may-ari ng sasakyan na natagpuang sunog sa Solano, Nueva Vizcaya ngunit kinabitan ito ng pekeng plaka na katulad ng plaka ng pick-up na pag-aari ng isang eskwelahan sa lalawigang nasabi.

Nakasuot ng police uniform ang mga salarin at tulad sa kaso ni Adiong, malalakas na armas ang ginamit ng mga ito sa pag-ambush.

Ano naman kaya ang balita sa basta na lamang pamamaril ng dalawang lalaking riding-in-tandem sa Pikit, North Cotabato na suspek sa pamamaril sa dalawang estudyanteng namatay?

May limang pamamaril pang isinagawa ng mga ito.

Dahil ‘armed and dangerous’ ang lahat ng suspek sa nasabing mga kaso, posibleng magkaroon pa nang patayan sa pagitan ng mga suspek at awtoridad.