Pateros bokya sa COVID

Pateros bokya sa COVID

February 25, 2022 @ 10:58 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ng zero coronavirus disease o COVID-19 case ang munisipalidad ng Pateros sa buong National Capital Region (NCR).

Sa inilabas na huling data ay nakapagtala ang munisipalidad ng walang bagong kaso, walang nakarecover at walang bagong naitalang namatay o “triple zero” at mayroon na lamang natitirang dalawang aktibong kaso ng virus nitong Pebrero 22.

Ang natitirang dalawang kaso ng COVID-19 ay nanggaling sa pinakamalaking barangay sa munisipalidad na Barangay Sta. Ana kung saan ang dalawang pasyente ay mga asymptomatic at nakapailalim sa isolation.

Sa datos nitong Pebrero 22, nakapagtala ang Pateros ng kabuuang 9,891 kumpirmadong kaso, 9,779 indibidwal na nakarecover, at 110 na mga namatay simula ng kumalat ang pandemya ng COVID-19 noong taong 2000.

Sa patuloy na pagganda ng sitwasyon ng Pateros ay isa si Mayor Miguel “Ike” Ponce na lumagda sa Resolution No. 22-06 Metropolitan Manila Authority (MMA) sa mga alkalde sa buong NCR na nagrerekomenda sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa paglalagay sa mas maluwag na Alert Level 1 simula sa Marso 1 ang Metro Manila.

Nakasaad din sa naturang resolusyon na nilagdaan ng mga metro mayors na kanilang inirerekomenda ang pagsasalilalim ng NCR sa Alert Level 1 dahil na rin sa pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kabilang na rin ang positivity rate na 4.64 porsiyento na naitala nitong Pebrero 21 at ang pagiging low-risk na klasipikasyon ng 16 sa 17 local government unti (LGU) base sa dalawang linggong growth rate at average daily attack rate (ADAR).

Matatandaan na ang Pateros ang siyang pinakamaliit na LGU sa NCR na mayroon lamang populasyon na 65,227 base sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Mayo 2020 at may land area lamang na 10.4 kwadradong kilometro. James I. Catapusan