PATIENT’S BILL OF RIGHTS, ISINULONG SA SENADO

PATIENT’S BILL OF RIGHTS, ISINULONG SA SENADO

January 30, 2023 @ 11:40 AM 2 months ago


MAS lalawak pa ang mga pribilehiyo at proteksyon ng mga nakatatanda, persons with disabilities (PWDs), kababaihan at mga bata sakaling makalusot at maging batas ang Senate Bill No. 1534 o ang Patient’s Bill of Rights and Responsibilities Act na ipinanukala ni Senador Imee Marcos.

Layunin ng inihaing panukala na mabigyang kasagutan ang humahabang mga sumbong ng hindi magandang pagtrato ng mga ospital, pampubliko man o pribado, sa mga mahihirap na mga pasyente.

Dagdag pa ni senadora Marcos, karagdagang batas ito na naka-ayon sa Republic Act No. 8344 na nagbibigay kaparusahan sa mga ospital at klinika na tatangging magbigay ng pangunang medikal na lunas at suporta sa isang taong nasa isang emergency na maaari nitong ikamatay.

Malinaw umanong nakasaad sa ating Konstitusyon ang karapatan para sa isang maayos at may kalidad na sistemang pangkalusugan at ang bawat pasyente ay dapat na pagkalooban ng isang mahusay at magandang serbisyo kahit anupaman ang katayuan nito sa buhay.

Magiging tungkulin ng Department of Health (DOH), ng health care providers, civic groups, media, health insurance corporations, people’s organizations at local government organizations ang pagsasagawa ng malawakang information and education campaign para malaman ng bawat Pilipino ang kanilang karapatan bilang pasyente kung saka-sakaling madadala o mangangailangan ng atensyong medikal.

Aatasan din ang health care institutions na ipaalam sa kanilang mga pasyente ang kanilang mga karapatan habang sila ay nasa kanilang pangangalaga.

Kabilang pa sa mga nakalistang karapatan sa loob ng panukala ang pamimili ng doktor na titingin o mag-aasikaso, ukol sa second opinion, confidentiality ng medical case ng pasyente, magkaroon ng spiritual and moral comfort alinsunod sa relihiyon o pananampalataya ng pasyente, at maging ang pagtanggi sa anumang medical treatment o procedures dahil sa religious beliefs o kultura.

Mananagot ang director ng ospital o klinika ng pagkakulong ng mula apat hanggang anim na taon at multang mula P100,000 hanggang P500,000 kung mapatutunayan ang paglabag sa karapatan ng isang pasyente.