Patok sa mga Pinoy sina PBBM at Inday Sara

Patok sa mga Pinoy sina PBBM at Inday Sara

February 20, 2023 @ 1:37 PM 1 month ago


NAKARARAMING kababayan natin ang kuntento raw sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara “Inday Sara” Duterte-Carpio sa unang anim na buwan pa lamang nila sa kanilang mga posisyon.

Ito ang lumabas sa survey na isinagawa ng Social Weather Station na iprinisinta pa sa Asian Institute of Management sa Makati City kamakailan.

‘Satisfaction rating’ ang tamang salitang ginagamit dito. Sabi ng SWS si PBBM ay nakapagtamo ng “very good” na satisfaction rating na +68 sa kanilang survey na ginawa mula Disyembre 10 hanggang Disyembre r 14 noong nakaraang taon.

Tumaas pa nga raw ito mula sa +63 na nakuhang satisfaction rating ng Pangulong Marcos sa kaparehong survey na ginawa naman noong Setyembre 29 hanggang Oktubre 2.

Ang Bise-Presidente naman ay nakakuha ng “excellent” rating na +77 noong Disyembre mula sa +73 noong Oktubre.

Nakuntento ang ating mga kababayan sa dalawang pinaka-mataas nating opisyal ng pamahalaan, sa kanilang pagpapatakbo o pamamahala sa mga isyung gaya nang kampanya laban sa iligal na droga, korapsiyon, at pakikipagtulungan sa mga karatig at ibayong bansa.

Malinaw rin na kuntento ang mga Pinoy sa serbisyo nina PBBM at Inday Sara lalo na sa pagbibigay tulong sa ating mga mahihirap.

Makikita naman ang kanilang sinseridad at sipag dahil ‘di lamang ang pinakamataas na posisyon sa bansa ang kanilang ginagampanan. Si PBBM ang namumuno rin sa ating Department of Agriculture na kailangang-kailangan ng bansa. Ito ang ahensiyang gumagalaw para tayo ay magkaroon ng food security.

Samantalang si Inday Sara naman ay tumatayo ring Kalihim ng Edukasyon na kailangang-kailangan din ng bayan para sa kaalaman at karunungan ng ating mga kabataan.

Tama lang ang lumabas na resulta ng SWS at sigurado ako na tataas pa ang satisfaction rating ng dalawang opisyal na ito ng ating pamahalaan. Keep up the good work Sir, Ma’am!

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!