Patricia Javier, nabiktima ng basag-kotse sa Marikina

Patricia Javier, nabiktima ng basag-kotse sa Marikina

July 2, 2018 @ 12:37 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi nakaligtas ang aktres na si Patricia Javier matapos siyang mabiktima ng basag-kotse modus sa Marikina kahapon.

Sa kuwento ng aktres, kumakain lamang siya kasama ang ilang kaibigan sa isang kainan sa Marcos Highway malapit sa isang mall sa Marikina nang nag-alarm ang kanyang kotse.

Inakala ng aktres na nadaplisan lang dalawang lalaking naka-scooter ang kotse ngunit napansin niya na basag na ang bintana sa bandang passengers seat.

Ninakaw ng mga basag-kotse gang ang kanyang bag na naglalaman ng cash, credit cards, at kuwintas  na may letrang PJ na may naka-embed na diamond.

Kuwento pa ni Patricia, may batang lalaki raw na gumabay sa kanila sa parking t tumawag ng kaniyang pansin ng dalawang beses para magpalabas ng ibang kotseng papaalis.

“Nung ano na, bigla na lang ‘yung batang lalaki kumatok dun sa window, humihingi ng pera na pangkain. Pinabigyan ko sa friend ko. Wala pang three minutes na nakaalis siya, bigla nang nag-alarm ‘yung kotse,” sabi ni Patricia.

“Yung bata, kasi the whole time nakikita ko nagga-guide,” dagdag nito. “Pakiramdam ko part ‘yun.”

Ayon sa tala ng pulis, pangatlo na si Patricia sa mga nabiktima ng nasabing gang sa lugar.

Patuloy naman ang imbestigasyon na ginagawa ng pulis at sinabing susuriin ang CCTV ng kinainan ng aktres sa Marcos Highway. (Remate News Team)