Pattern sa mga pag-atake sa local officials, sinusuri na ng PNP

Pattern sa mga pag-atake sa local officials, sinusuri na ng PNP

February 24, 2023 @ 5:20 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinisilip na ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pattern sa mga nangyaring pamamaril sa ilang lokal na opisyal sa mga nakalipas na araw.

“Nakikita natin na is this a pattern or incident lang ‘yan? Kasi nga sa iba-ibang lugar naman sila na-ambush. So ‘yun ang pinag-aaralan natin ngayon,” ani PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Biyernes, Pebrero 24.

Ayon kay Azurin, ipinag-utos na niya sa mga regional director na magsagawa ng threat assessments sa mga elected at appointed officials sa kani-kanilang mga nasasakupan upang matukoy ang kasalukuyang kondisyon.

Matatandaan na nitong Miyerkules, Pebrero 22 ay pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek si Datu Montawal, Maguindanao del Sur Mayor Ohto Caumbo Montawal sa loob ng sasakyan nito sa Pasay City, ilang araw lamang makalipas ang pananambang din kina Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. sa Bukidnon at Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda sa Bagabag, Nueva Vizcaya. RNT/JGC