PATULOY BUMABABA ANG LEBEL NG TUBIG SA ANGAT DAM

PATULOY BUMABABA ANG LEBEL NG TUBIG SA ANGAT DAM

June 22, 2022 @ 2:46 PM 6 days ago


Nagsimula na ang panahon ng tag-ulan sa buong bansa, kinakailangan simulan ang ibayong pagtitipid sa paggamit ng tubig ng mga nasa Metropolitan Manila. Alam n’yo bang nasa 183.66 meters na lamang ang antas ng tubig sa Angat dam nitong June 21, 2022, malayo mula sa normal range 212 meters.

Todo na ang pagbabantay ng National Water Resources Board (NWRB) sa naturang dam upang maiwasan ang pag-abot nito sa critical level na 160 meters para sa drinking water at 180 meters para sa irrigation.

Ang panawagan ng National Water Resources Board (NWRB), bawasan ang inyong paggamit ng tubig kung kayo ay nasa trabaho o nasa public area, tulad ng malls at restaurant o nasa loob ng inyong tahanan. Ang pagtitipid ng bawa’t pamilya ay maaaring gumawa ng malaking pagkakaiba kung lahat tayo ay nagkakaisa na maging responsible sa paggamit ng tubig.

Sanayin na natin ang araw-araw na gawain

ü  Isarado ang gripo kapag nagsisipilyo ng inyong ngipin. Mas mainam gumamit ng baso, mas walang masasayang na tubig.

ü  Gumamit ng palanggana sa paghugas ng gulay at prutas. Iwasan ang paggamit ng umaagos na tubig.

ü  Kung kayo ay naliligo gamit ang shower, kung basa na ang buhok at buong katawan, isara muna ang gripo bago kayo magsimula ng pagsasabon.

ü  Huwag gawin basurahan ang inidoro, hanggang maaari, itapon sa basurahan ang toilet tissues, wipes, hygiene products at adult o baby diapers.

ü  Pakinggan kung tuloy-tuloy ang pagdulo ng tubig sa inyong inidoro. Kung may tagas, isarado ang main vault at gumamit na lang balde sa pagbuhos o flush.

ü  Ipunin ang mga damit para isang labahan sa loob ng isang lingo. Makakatipid ka na sa tubig pati na rin sa kuryente.

ü  Kung tapos na kayong kumain, ipunin muna ang mga plato, baso, kutsara, tinidor at iba pa, para isang hugasan lahat.