Patuloy na banta ng COVID-19, Monkeypox tatalakayin ni Bong Go

Patuloy na banta ng COVID-19, Monkeypox tatalakayin ni Bong Go

August 12, 2022 @ 1:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magsasagawa ng pagdinig ang Senate committee on health sa pamumuno ni Senator Christopher “Bong” Go upang matiyak na mas handa ang bansa laban sa umiiral at umuusbong na mga banta sa kalusugan, partikular na ang Monkeypox at ang patuloy na pandemya ng COVID-19.

Sa isang ambush interview matapos personal na magbigay ng tulong sa mga naghihirap na residente sa Taytay, Rizal, sinabi ni Go na nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang kanyang komite sa Lunes, Agosto 15, upang suriin ang kahandaan ng gobyerno na epektibong sugpuin ang pagkalat ng monkeypox at COVID-19.

“Sa darating na Lunes, bilang Committee Chair on Health, nagpatawag ako ng hearing ng organizational meeting, pagbubuo muna ng Committee on Health and then at the same time tatalakayin po namin ‘yung paghahanda ng gobyerno ukol sa monkeypox,”sabi ni Go.

Dagdag pa ng senador, tatalakayin niya sa mga awtoridad ang iba pang mga kaugnay na alalahanin tulad ng mga bakuna, pagsubaybay sa sakit at pagpapakalat ng impormasyon, at iba pa.

“Tatanungin natin ang ating mga DOH (Department of Health) officials kung mayroon na bang nadidiskubre sa mga bakuna at ano na ho bang paghahanda ang ginawa ng gobyerno,” sabi ni Go.

“Halimbawa ‘yung border control, ‘yung surveillance, at ipaintindi natin sa publiko paano ba nahahawa ito, paano ba naiintindihan ito at paano natin mapipigilang kumalat ito dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya,” dagdag ng senador.

Nauna nang naghain si Go at ang kapwa senador na si Robinhood “Robin” Padilla ng Senate Resolution No. 84 noong Agosto 1, na nag-uutos sa Health and Demography Committee na magsagawa ng pagtatanong, bilang tulong sa kahandaan ng bansa na pigilin at sugpuin ang monkeypox na idineklara ng World Health Organization (WHO) bilang isang public health emergency of international concern.

Itinulak ang resolusyon kasunod ng pagkakatuklas ng unang kaso ng monkeypox sa bansa noong Hulyo 29.

Binigyang-diin din ni Go ang pangangailangan na paigtingin ang mga surveillance system ng bansa at higit pang palakasin ang healthcare system.

Samantala, sinabi ni Go na haharapin din niya sa darating na pagdinig sa susunod na linggo ang mga pangunahing update sa COVID-19 pandemic response ng gobyerno, kabilang ang mga ulat sa pag-aaksaya ng bakuna.

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni Go na hihilingin niya sa Executive branch na “maingat na suriin ang sitwasyon” at “pag-aralan ang pangangailangan na palawigin pa ang state of calamity dahil sa COVID-19” dahil ang mga bagong kaso ay tumataas sa mga nakaraang araw at linggo sa maraming lugar sa bansa.

Tiniyak din ni Go na susuportahan niya ang mga hakbangin at patakaran na naglalayong protektahan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.

“Bilang mambabatas, handa akong suportahan ang anumang programa ng Ehekutibo hinggil dito dahil, para sa akin, una sa lahat ay ang proteksyunan ang buhay ng mga mamamayang Pilipino,” ani Go. RNT