PATULOY NA MAG-INGAT, MAY PANDEMYA PA

PATULOY NA MAG-INGAT, MAY PANDEMYA PA

December 15, 2021 @ 4:44 PM 10 months ago


Hindi natin alam kung dahil ba magpa-Pasko na o dahil talagang nasabik sa paglabas ang karamihan sa atin at tila ba  marami na sa ating mga kababayan ang kampante na at hindi na masyadong sumusunod sa health and safety protocols kontra COVID-19.

Sa kabila nga ng patuloy na pagbaba ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa ay nananawagan pa rin si Senate Committee on Health chairman, Senator Christopher ‘Bong’ Go sa lahat na huwag itigil ang pagsunod sa health and safety protocols at laging iprayoridad ang kaligtasan laban sa banta ng nakahahawang sakit.

Lalo pa’t paparating na rin ang election period kung saan madalas na nagaganap ang kumpulan ng mga tao tuwing may ginaganap na assembly, campaign rally at iba pang kahalintulad na aktibidad na marapat lamang na sundin pa rin ang naaayong sukat ng physical distancing.

Nananatili pa rin naman ang banta ng COVID-19 na dinagdagan pa ng kamandag ng Omicron variant kung kaya ang pag-iingat ng bawat isa ay inaasahan pa rin ng pamahalaan na ayon nga kay Sen. Go ay upang hindi rin mabalewala ang nasa halos dalawang taon nating pakikibaka sa sakit.

Talaga namang hindi biro ang ating mga pinagdaanan pati na rin ang isinakripisyo ng ating mga frontliner kaya tunay ngang mainam na ituring pa rin nating carrier ang ating mga makahahalubilo at gawin natin ang ating makakaya upang protektahan laban sa sakit ang ating mga sarili.

Mainam na ito sa halip na magsisi tayo sa huli dahil hindi na natin alam kung may resources pa ba tayong gagamitin o kung kaya pa ba ng ating mga frontliner sakaling magkaroon ng panibagong surge sa COVID-19 confirmed cases.

Kaya naman tignan natin ang magandang takbo ng sitwasyon ngayon sa paraang mapapanatili nating ligtas ang ating sarili pamilya at laging isaisip na makapaghihintay ang selebrasyon.

Huwag nating ilagay sa alanganin ang ating buhay para sa panandaliang pagsasaya at pagdiriwang. Stay safe, everyone!