Pauleen, clueless sa nangyayari sa EB!

Pauleen, clueless sa nangyayari sa EB!

March 6, 2023 @ 7:24 AM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Sa reporter na pinakamalapit sa kanya ipinagkatiwala ni Pauleen Luna ang kanyang saloobin tungkol sa mga kaganapan sa kinabibilangang Eat Bulaga.

“Huwag muna,” ang sagot ni Pauleen sa mga nangungulit kung ano na bang kapalaran ang naghihintay sa longest-running noontime program ng bansa.

Sa darating na July 30 ay 44 taon nang nasa himpapawid ang EB.

Ito’y prodyus ng TAPE, Inc. na balak pamunuan ng mga anak ng major stockholder nitong si dating Zamboanga del Norte Congressman Romeo Jalosjos.

Ang kasalukuyang nagpapatakbo ng EB ay si Tony Tuviera na sinasabing napalitan na raw ng anak ni Jalosjos sa isang major revamp.

At pag ganito ang scenario’y kasama rin umanong masisibak ang TVJ trio nina Tito at Vic Sotto at Joey de Leon.

Pero ayon sa ulat online, hindi raw papayagan ng TVJ na umeksena ang na-convict sa kasong panggagahasa sa isang 11-anyos na babae.

Ani TVJ, ipagkatiwala na lang daw kay Tuviera ang pamamalakad ng EB tulad ng nakagawian nila.

Pare-parehong tikom ang bibig ng mga EB hosts.

Kabilang nga rito si Pauleen, ang misis ni Bossing Vic.

Katwiran ni Pauleen, clueless daw siya sa mga nangyayari dahil nauna raw siyang mag-file ng leave of absence bago pa pumutok ang balitang internal problem ng EB.

Hindi naman kumbinsido ang mga netizen na walang alam si Pauleen sa mga nangyayari.

“Ayokong ma-stress dahil naka-leave nga ako,” sagot daw ng host-actress sa mga nag-uusisa.

Sa ngayon ay floating ang status ng mga hosts ng programa.

Kapansin-pansin ding may ilang segments ng nakaraang EB episode ang naka-tape.

Depensa ng produksyon, ngayon pa lang daw ay pinaghahandaan na ng EB ang kanilang Lenten special na isang buong linggong tumatakbo as in the past years.

So kung solid pa ang Dabarkads hanggang Semana Santa, posible rin kayang ipagdiwang nila ang kanilang ika-44 anibersaryo sa July 30?

Isa lang ang tiniyak ni Joey de Leon sa pinakahuling episode ng EB: abangan daw ang kanilang programa when it marks its 50th year!

Si Tito ang nag-anunsyo na si Joey ang nakaisip ng EB jingle at logo, samantalang si Bossing Vic ang lumikha ng awitin.

Tinanong tuloy nina Vic at Joey kung anong ambag ni Tito, na ang mabilis na isinagot ay: “Ako ang manager!” Ronnie Carrasco III