Pauuwiing 40K POGO workers ‘di mahagilap ng BI

Pauuwiing 40K POGO workers ‘di mahagilap ng BI

October 4, 2022 @ 7:40 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Aminado ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na hindi nila alam ang kinaroroonan ng mahigit 40,000 empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na nakatakdang i-deport ng gobyerno.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni BI Deputy Commissioner Fortunato Manahan Jr. sa ginanap na Senate Committee hearing on ways and means nitong Lunes matapos ang inquiry ni Senator Grace Poe.

“‘Yung sinasabi, ‘magde-deport kami ng 40,000 or more individuals,’ nasaan na ‘yung mga ‘yun? Hindi ko sinasabi i-deport niyo agad. Ang sinasabi ko lang, alam ba ninyo kung nasaan sila o puro lang ito salita?,” tanong ni Poe.

Sinagot naman ito ni Manahan na kung saan ang 40,000 na bilang ay isang pagtatantya lamang dahil sa pag-aakalang mayroong 200 manggagawa sa bawat isa sa higit sa 200 Pogo firms na tinanggalan ng mga lisensya.

Dahil dito, tinanong ni Poe si Manahan na kalkulasyon lamang nito ang mga nasabing bilang ngunit hindi talaga alam ng mga ito kung nasaan ang mga indibidwal kung saan sumagot naman ang opisya ng “Oo”.

Ayon kay Poe, isang POGO worker ang nagsabi sa kanya na plano niyang manatili sa Pilipinas ng ilegal dahil sa mataas na sahod ng mga POGO firms.

Nauna nang sinabi ng Department of Justice na ipapa-deport nila ang 40,000 Chinese nationals na overstaying sa Pilipinas matapos tanggalin ang mga lisensya ng mga kumpanyang kanilang pinagtatrabahuan.

Sinimulan ng Senate committee on ways and means ang pagdinig nito sa Pogos noong Lunes habang sinisikap ng mga senador na timbangin ang mga benepisyo at gastos nito sa lipunan. JAY Reyes