‘Pay gap’ ng health workers, aayusin ng DOH

‘Pay gap’ ng health workers, aayusin ng DOH

October 1, 2022 @ 9:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hinimok ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes ang Kamara na muling pagsikapan ang pag-amyenda sa Republic Act No. 7305 o Magna Carta of Public Health Workers na isama ang mga health worker sa mga pribadong ospital sa buong bansa.

Binigyang-diin ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang pangangailangang i-standardize ang suweldo at benepisyo ng mga health worker sa hangaring matigil ang kanilang pag-alis.

Nauna nang sinabi ng DOH na kailangan ng Pilipinas ng 106,000 nars sa public at private facilities at hospitals.

Umapela rin ang mga health workers ng mas mataas na suweldo upang matulungan silang makayanan ang mataas na halaga ng pamumuhay.

Sinabi ni Vergeire na sa ngayon ay inaanalisa ang buong sitwasyon at unang tinitingnan ang sweldo dahil may malaking kaibahan sa public at private.

“That is why we are now proposing a bill in Congress, where in we are going to implement our Magna Carta to amend [and] cover both public and private workers kasi ngayon yung Magna Carta public lang siya,” sabi ni Vergeire.

“There will be standardization of salaries so ibig sabihin kung ano ang natatanggap ngayon ng government workers would also be received by the private workers. Kasi ngayon malaki ang discrepancy, that is why there are now reports na maraming nagmi-migrate internally from the private facilities to the public facilities because of this difference in salary,” dagdag pa ng opisyal.

Kinikilala ni Vergeire ang pagkakaiba sa pagitan ng sweldo at benepisyo sa public at private healthcare hospitals at facilities.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7305, na pinagtibay noong Marso 26, 1992, ang mga manggagawa sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan ay may karapatan din sa iba pang mga benepisyo tulad ng karagdagang kabayaran, panganib, subsistence, laundry, at remote assignment allowance.

Nakasaad dito na ang mga pampublikong healthcare worker na magtatrabaho ng overtime ay babayaran ng karagdagang kompensasyon at night shift differential na 10%.

Ang mga pampublikong manggagawang pangkalusugan na nasa tour of duty at yaong, dahil sa hindi maiiwasang mga pangyayari ay napilitang manatili sa ospital, sanitary o health infirmary premises ay dapat ding may karapatan sa libreng tirahan sa loob ng ospital, sanitarium o health infirmary.

Samantala, ang compulsory medical examination ay dapat ibigay ng walang bayad sa lahat ng public health worker bago pumasok sa serbisyo sa gobyerno o sa mga subdivision nito at dapat ulitin minsan sa isang taon sa panahon ng panunungkulan ng lahat ng public health worker.

Gayunpaman, sinabi ng opisyal ng DOH na hindi pa rin nito matutugunan ang buong problema sa workforce ng bansa.

Aniya, makikipagpulong ang DOH sa Department of Migrant Workers para talakayin ang “mutual recognited agreements” sa ibang mga bansa.

Bukod sa kakulangan ng mga nars, sinabi ni Vergeire na ang bansa ay mayroon ding kakulangan ng 67,000 doktor; 6,000 pharmacist; 5,500 radiologic technologist; 4,400 medical technologist; 1,600 nutritionist; 700 midwife; 223 mga physical therapist; at 87 dentista. Jocelyn Tabangcura-Domenden