Payo ng NEDA sa mga mamimili vs inflation: ‘Wag bumili nang sobra

Payo ng NEDA sa mga mamimili vs inflation: ‘Wag bumili nang sobra

October 8, 2022 @ 3:28 PM 6 months ago


MANILA, Philippines- Pinayuhan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga mamimili na kontrolin ang pagbili ng kahit na anumang produkto upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing  bilihin.

Inaasahan kasi na mananatili pa ring mataas ang inflation rate sa buong taon lalo na at paparating na ang holiday season.

“Inflation in September accelerated to 6.9% from 6.3% in August due to higher food and utilities cost, bringing the year-to-date average at 5.1% —within the Marcos administration’s assumption of 4.5% to 5.5% for the entire 2022,” ayon sa ulat.

Kapwa naman sinabi ng Philippine Statistics Authority at  Department of Finance na inaasahan na mananatiling mataas ang consumer prices  sa last quarter ng  2022 bunsod ng mataas na transport at food costs, at maging dahil sa presyur na dala ng  paghina ng piso at pinsala sa crop sector dahil kay bagyong  Karding.

Ayon kay Undersecretary Rosemarie Edillon, ang pagkontrol sa pagtaas ng inflation ay nasa mga kamay rin ng mga mamimili.

“Dahil ang inflation ibig sabihin ay mataas ang demand tapos kakaunti ‘yung mga produktong nabibili,” ayon kay Edillon.

Aniya, may dalawang paraan upang matugunan ang mataas na inflation at ito aniya ay ang  “lower demand and increase production.”

Sa demand side, ang payo ni  Edillon  sa mga consumers ay “bawasan lamang natin ay ‘yung sobra na pagbili.”

“Pagtaas ng presyo natin ay external ang kadahilanan… outside our control,” anito na ang tinutukoy ay ang patuloy na girian sa pagitan ng Russiaat Ukraine conflict at ang tumataas na  interest rates sa Estados Unidos.

“‘Yung nasa control natin yung demand. Bawasan natin ‘to,” ayon kay Edillion.

Pinayuhan din nito ang mga  mamimili  na gawing simple ang pagdiriwang ng Pasko at holiday celebrations.

Gayunman, inamin nito na ang kanyang payo ay hindi  applicable sa lahat ng pamilyang filipino.

“Hindi po ‘to sa lahat… Alam naman natin na may mga pamilya na sobra-sobra kung maghanda ng pagkain,” anito.

Samantala, sa  supply side naman, sinabi ni Edillon na ang pamahalaan ay mayroong programa para palakasin ang produksyon. Kris Jose