Payo ni Concepcion sa OFWs sa mataas na palitan ng dolyar, ‘invest wisely’

Payo ni Concepcion sa OFWs sa mataas na palitan ng dolyar, ‘invest wisely’

October 16, 2022 @ 3:35 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bagama’t mahina ang halaga ng piso kontra dolyar dahil sa mataas na palitan, nagpaalala si Go Negosyo founder Joey Concepcion na dapat ay mag-invest ng mabuti at matalino ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga kikitain at gamitin ang pagkakataon upang maging negosyante.

Sa public briefing, sinabi ni Concepcion na ang mataas na halaga ng dolyar ay nangangahulugan ng 12-13% na dagdag na kita sa bawat dolyar na sasahurin ng isang OFW.

Ayon sa Bankers Association of the Philippines, ang kasalukuyan palitan ng piso kontra dolyar ay nasa P58.935 na.

“Malaki ang kontribusyon dahil marami tayong OFWs,” ani Concepcion.

“Their income is rising in terms of pesos, but they should spend and invest it wisely. Hopefully, our OFWs will have enough savings so they can come back and start a small business so that they will not be forever working away from home,” dagdag pa niya.

Kaugnay ng binitawang pahayag na “invest wisely” sa OFWs, mas magiging madali na rin sa mga ito na mapalago ang negosyong papasukin dahil pinadali na ng pamahalaan at pribadong sektor na makapagbigay ng libreng mentoring.

Idinagdag rin ni Concepcion na sa Disyembre 3, ang non-profit group na Go Negosyo ay magkakaroon ng OFW Summit na maaaring daluhan ng mga overseas workers na nais magsimula ng negosyo sa bansa at gamitin ang malaking kita sa trabaho dulot ng mataas na palitan ng dolyar. RNT/JGC