Payout sa ayuda gagawing ‘by appointment’ – Gatchalian

Payout sa ayuda gagawing ‘by appointment’ – Gatchalian

February 26, 2023 @ 9:18 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Sabado, Pebrero 25, na ang distribusyon ng ayuda sa ilalim ng cash aid program ng pamahalaan ay gagawin sa pamamagitan ng QR code-based appointment system.

Ito ay upang maiwasan na ang pagdagsa ng mga benepisyaryo na dahilan para magsiksikan ang mga ito at magkaroon ng napakahabang pila.

“Starting tomorrow… lahat by appointment.”

“Kung 700 ‘yung kaya naman i-process. Ibibigay namin ang QR stubs for 700. Kapag naubos ‘yung 700 at may nakapila pa, we’ll do another 700 for the following day,” sinabi ni Gatchalian.

Aniya, iniiwasan nila ang pangyayari kung saan pumipila ang isang indibidwal para makakuha ng appointment stub at saka ibebenta ito sa iba.

“Kapag pumila, sisiguraduhin dapat may dokumento at ID dahil sila lang ang mabibigyan ng QR code,” pahayag ni Gatchalian.

Para maipatupad ang appointment system, magbubukas pa ng mas maraming payout outlets ang DSWD sa Metro Manila “in 45 to 60 days.”

“Maglalagay tayo ng [payout outlet] for CAMANAVA, sa Monumento. Maglalagay tayo sa Pasig or Marikina para sa east. Maglalagay tayo sa Taguig para sa south. Magdadagdag pa tayo ng isang opening sa SM North. Maglalagay din tayo sa San Jose del Monte [Bulacan],” aniya.

“Kaya kami magbubukas ng payout outlets, in the future, magkakaroon na tayo ng territorial na approach. Kapag taga-CAMANAVA, ‘wag na sila magpunta sa malayo, doon na sila sa Monumento [na payout outlet]. Kung ano ang address mo, doon ka na magpunta,” dagdag pa ni Gatchalian. RNT/JGC