PBA tix scalper arestado sa Cubao

PBA tix scalper arestado sa Cubao

January 12, 2023 @ 10:44 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga pulis ang tatlong umano’y scalper na nagbebenta ng mga tiket sa inaasahang Game 6 ng Philippine Basketball Association Finals sa pagitan ng Barangay Ginebra at Bay Area kasunod ng operasyon sa Gateway Mall sa Quezon City, nabatid sa pulisya nitong Miyerkules.

Sa ulat mula sa Quezon City Police District (QCPD), sinabi na ang mga nadakip na suspek na kinilalang sina Kenneth Peji, 21, John Limuel dela Cruz, 20 at isang 17-anyos na lalaki, ay nahuli noong Martes ng hapon matapos magbenta ng 13 ticket sa halagang P13,000 sa isang undercover na pulis.

Sinabi sa ulat na ibinenta ng mga suspek ang mga ticket, hindi nila alam na nagsasagawa ng entrapment operation ang buyer mula sa Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCD-ACT).

Ayon sa QCPD isinagawa ang operasyon ng pinagsamang elemento ng District Special Operations Unit, Quezon City Hall Detachment, at QCD-ACT ang cyber patrolling matapos humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng PBA upang sugpuin ang talamak na online scalping ng mga ticket.

Nakuha mula sa mga suspek ang 50 ticket para sa Ginebra-Bay Area showdown.

Kaugnay nito sinampahan na ng kasong paglabag sa Quezon City Anti-Scalping Ordinance ang mga suspek na may multang P5,000.

Ang scalping ay labag sa batas sa ilalim ng Quezon City Ordinance No. SP-493, S-97, na tinatawag itong isang kasanayan na “katulad ng isang mapanlinlang na paraan ng paggawa ng pera, na dapat sugpuin at gawing ilegal.”

Samantala kaugnay nito, binalaan ni QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III ang publiko na “iwasan ang pagtangkilik sa mga scalper at sa halip, isumbong sila sa mga awtoridad  upang sila ay maaresto at makasuhan nang naaayon.” ani pa ng QC police chief. Santi Celario