PBBM admin pinakikilos ng UNHRC sa extra-judicial killings sa bansa

PBBM admin pinakikilos ng UNHRC sa extra-judicial killings sa bansa

November 17, 2022 @ 6:42 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inirekomenda ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng extrajudicial killings at iba pang human rights violation sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay TFDP Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm, ito ay kasunod lamang ng katatapos na pagsusuri ng (UNHRC).

Sinabi ng Pari, na ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) ay patuloy sa paghahanap ng katarungan ng mga biktima ng karahasan at pang-aabuso sa karapatang pantao sa bansa.

Ayon pa kay Buenafe, kinakailangan ng naaangkop na hakbang upang tugunan ang tunay na kalagayan ng karapatang pantao sa bansa sa gitna pagbubulag-bulagan ng karamihan.

Umaasa si Fr. Buenafe na magsilbing daan ang pagsusuri ng UNHRC Universal Periodic Review upang maobliga ang administrasyong Marcos na siyasatin at bigyang katarungan ang mga human rights violation sa bansa partikular na noong nakalipas na administrasyon.

Naunang iginiit ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na walang umiiral na ‘culture of impunity’ sa bansa.

Sa kasalukuyan, hindi tugma ang tala sa tunay na bilang ng mga nasawi sa kontrobersyal na War on Drugs ng nakalipas na administrasyon kung saan nasa 7,000 lamang ang opisyal na tala ng pulisya habang aabot naman sa mahigit 30,000 ang datos na naitala ng mga human rights groups. Jocelyn Tabangcura-Domenden