PBBM ADMIN VERSUS DROGA, ‘DI MAGIGING MADUGO

PBBM ADMIN VERSUS DROGA, ‘DI MAGIGING MADUGO

October 21, 2022 @ 4:18 PM 1 month ago


KAKAIBA ang estratehiya nitong si Pangulong Bongbong Marcos sa usapin nang pagsugpo sa droga sa bansa.
Sa kanyang pag-upo bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, ipinangako ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang kampanya kontra droga na nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan, napatunayan ni BBM na maaaring maganap ang isang operasyon kontra droga na hindi kailangang dumanak ng dugo, matapos makumpiska ang mahigit P6.7 bilyong halaga ng shabu sa Maynila.

Masasabing ito na ang pinakamalaking huli ng kapulisan na umaabot sa halos tonelada ng shabu na nakuha sa isang high value individual.

At sa kabila ng malaking dami ng nasamsam na iligal na droga, walang nasaktan sa mga naarestong suspek sa pagsasagawa ng tatlong magkakahiwalay na operasyon na nagsimula sa Tondo, Maynila at Pasig City.

Ang operasyon sa Sta. Cruz, Maynila ang dahilan ng pagkakadiskubre ng mga dokumentong nag-uugnay kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr. sa kalakalan ng iligal na droga. Isang intelligence officer ng Philippine National Police Drug Enforcement Group si Mayo na ang negosyong lending business na Wealth and Personal Development Lending Inc., nakalagay sa Sta. Cruz, Maynila ay ‘legal front’ lamang nito sa pagbebenta ng droga sa ibang user at kliyente.

At nagkita nating nakaligtas ang buhay ng mga nahuling suspek mula sa droga, at patuloy na ginagawa ito ng Pangulo Bongbong hindi lamang sa lungsod ng Maynila kundi maging sa lahat ng lugar sa buong bansa.

Hindi iniwanan ni PBBM ang kampanya laban sa droga dahil batid nitong kawawa ang kabataan at ang mga bagong sibol sa bansa na masisira ang buhay kapag nagpatuloy silang malulong sa ipinagbabawal na droga.

Iba ang pamamaraan noong nakaraang administrasyon at ngayon kay PBBM na ang panuntunan ay mahuli nang buhay ang mga sangkot sa droga upang mapiga kung saan nanggagaling ang mga bulto-bultong shabu at marijuana. At sino ba talaga ang nagpaparating nito? Sino rin ang higit na nakikinabang?

Paano nga naman masusugpo ang talamak na droga sa bansa kung mayroong mga lingkod-bayan na gumagamit nito?
Kaya pinalakas ni Presidente Marcos ang PNP- Drug Related Data Integration Generation System sa pangunguna ng Directorate for Operations, nagsilbing digital library ng lahat ng impormasyon sa buong bansa tungkol sa kampanya kontra droga at kapag fully operational na, magpapahintulot ng mas epektibong real-time management ng mga operasyon.

Aminado ang Pangulo na hindi mapipigil ang digmaan sa droga sa kanyang administrasyon kaya higit nitong pinagtuunan ang pag-iwas at rehabilitasyon kaysa sa pagpapatupad ng batas.

Iniwasan ng Pangulo ang madugo at walang awang giyera sa droga ng kanyang pinalitang administrasyon na karamihan ang pinupuntirya ay pawang mahihirap habang ang mga bigtime ay walang nangyayari ang kasong isinampa sa mga ito at ang masakit pa ay naglalaho na lang ang mga ito na parang bula.

Gustong linisin ni BBM ang mga naging batikos ng bansa dahil sa mga alegasyon ng mga paglabag sa karapatang pantao at extra-judicial killings, bukod sa mga ulat ng mga collateral sa giyera sa droga na kinabibilangan ng mga batang napatay sa mga labanan kontra droga.

May ilang libo ang napatay na tulak at user ng droga sa mga isinagawang operasyon ng pulisya. At kabilangdin ang may higit 150 pulis ang kinasuhan o nahaharap sa mga kasong kriminal para sa mga kasong may kinalaman sa drug war.

Ngayon nakikita natin kabayan na sinisikap ng administrasyong Marcos na matutunan kung alin ang mga pinakamahusay na paraan para maturuang makaiwas sa droga ang mga naging biktima nito at tinutulungan din silang magsimulang muli at mamuhay ng magandang buhay bilang mabuti at may maaambag na buti bilang miyembro ng lipunan.

Nakita natin mga Kabayan na hindi bibitiw si Presidente Marcos sa paglaban sa droga at wala itong pakialam kung sino ang mahuhuli, hangga’t makakuha sila ng sapat na ebidensya laban sa sinom ang suspek at gagawin niya ang lahat na walang dadanak na dugo subali’t magiging matagumpay ang ‘war on drugs’ sa kanyang sariling pamamaraan sa ilalim ng kanyang administrasyon.