PBBM admin walang nakikitang dahilan para makialam sa ICC probe sa drug war

PBBM admin walang nakikitang dahilan para makialam sa ICC probe sa drug war

January 29, 2023 @ 10:49 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Binigyang diin ng administrasyong Marcos na hindi nito papayagan at hahayaan ang  International Criminal Court (ICC) na makialam at sumawsaw sa gagawing pagresolba sa war on drugs issue  na nangyari sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sinabi ng Department of Justice, sa ilalim ng  well-functioning justice system ng bansa, magagawa nitong papanagutin ang mga salarin.

Matatandaang, pinahintulutan ng ICC si Special Prosecutor Karim Khan na ipagpatuloy ang imbestigasyon ng napaulat na patayan na may kinalaman sa drug war  ng dating Pangulo.

Sinabi ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano, hindi tatanggapin ng departamento ang desisyon na pahintulutan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon dahil ang Pilipinas aniya ay mayroong working justice system at may kakayahan na litisin ang mga  may pananagutan.

Sa ilalim ng international law, sinabi ni Clavano na, “complementarity principle is observed, which means that the ICC, or any international court can only come in if a particular country doesn’t have the capability to investigate or unwilling to do an investigation.”

“What we’re trying to say is we are doing a genuine investigation on the killings from 2016 up to 2019 or even up to the end, 2022. If there’s a working justice system then the ICC cannot come in, and supplant or substitute our working justice system with their own; dahil gumagana naman,” paliwanag nito.

“So in international law, when that happens, they can only complement iyong ating investigation, and they cannot substitute,”  ang wika pa ni Clavano.

Ang Pilipinas aniya ay nakikipagtulungan sa ICC. Sa katunayan, noong Setyembre 8, 2022, iniulat nito ang progreso ng kanilang imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte at nagsumite  ng mga  dokumento, case records, at investigative files subalit hindi ito sapat para sa ICC.

“The reason why the Philippines has to resist ICC’s coming in to the country and substituting its judgment with theirs is because it has to protect its sovereignty,” diing pahayag ni Clavano sabay sabing sa  international law  “it’s all about consent.”

Aniya pa, base sa ksaysayan ng  ICC, ang lahat ng mga bansang inimbestigahan nito ay African countries gaya ng Uganda, Congo at  Sudan  na walang ‘well-functioning justice system’ at nakaranas ng breakdown sa civil order.

“Kaya po if we accept the decision of the ICC, it is as if we are admitting that we are on the same level as those countries – wala talagang gobyerno, nagkakagulo talaga doon,” ayon kay Clavano.

“But here (Philippines), we’re saying that we have an organized – although we have limitations, we have some challenges that we have to overcome – we have a working justice system. Kaya po iyon iyong naging stand ng gobyerno ngayon,” aniya pa rin.

Alinsunod din aniya ito ng polisiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang Pilipinas ay hindi na isang member-state ng  Rome Statute, at nasa labas na ng ICC jurisdiction.

Sa kabilang dako, magsasagawa naman ang DOJ  ng full-blown investigation sa  war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

Mangangalap ito ng tamang ebidensiya, kukuha ng mga testigo at magsasagawa ng tamang pag- screen sa lahat ng  facts ng mga kaso.

Sinabi pa ni Clavano na ang proseso ay matagal at hindi mabilis ang pagtahol sa kabila ng ‘ultimate goal’ ng  administrasyon.

“So, we want to express to the ICC and to the Special Prosecutor, Mr. Khan, na just to give us time to conduct our own investigation, and on the basis of the complementarity principle to respect our sovereignty, and to respect our judicial system here in the Philippines,” ayon kay Clavano.

Kinilala naman ng Philippine National Police (PNP) na mahigit sa  6,000 indibiduwal na sangkot sa  illegal drug activities ang napatay dahil sa ‘war on drugs’ sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kris Jose