PBBM: Batas sa booster ‘di kailangan

PBBM: Batas sa booster ‘di kailangan

July 17, 2022 @ 8:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na magpabakuna at mag-avail ng booster shots upang maprotektahan ang kanilang sarili mula sa malalang sakit dahil sa COVID-19.

Ang apela ay ginawa ni Marcos sa isang video na na-upload sa kanyang mga social media account noong Sabado ng gabi, isang araw pagkatapos niyang tapusin ang kanyang pitong araw na quarantine matapos mahawa sa coronavirus sa pangalawang pagkakataon mula noong 2020.

Sinabi niya na kung hindi pa siya ganap na nabakunahan at nakatanggap ng booster shot, maaaring mas malala ang kanyang pinakahuling impeksyon sa COVID-19.

“Kukunin ko na rin ang pagkakataong ito para ihayag muli ang importansya ng pagbabakuna lalo na ang booster shot. Ito na nga ang pangalawang COVID ko na pero tingin ko kung hindi dahil sa vaccine at booster shot siguradong mas malubha ang naging tama ko at ng aking pakiramdam,” ani Marcos.

Samantala, anang Pangulo na isang malawakang kampanya ang ilulunsad para sa mga booster shot at pagbabakuna sa tulong ng Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Education (DepEd).

“Preparasyon na rin ito sa pagbabalik ng face-to-face classes at pagluwag ng iba pang mga safety protocols. Kung magiging tagumpay ang kampanyang ito tuloy na tuloy na ‘yan,” dagdag pa niya.

Inatasan din niya ang DOH na pabakunahan ang 90% ng senior citizens sa loob ng kanyang unang 100 araw sa panunungkulan.

Giit ni Marcos na hindi na kailangang magpasa ng batas sa mandatory vaccination.

“Hindi naman talaga kailangang isabatas pa ito dahil malaya pa rin tayong mamili para sa ating kalusugan. Pero habang tumatagal ay mas lumilinaw ang sinasabi ng siyensya.”

“Ang mga datos at pag-aaral na ang pagbabakuna ay malaki ang naitutulong para sa ating kaligtasan mula sa COVID-19. Maraming salamat sa inyong suporta. Magpabakuna na po at magpabooster shot na po para tiyak na tayo ay ligtas.”

May kabuuang 71.2 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan, habang 15.4 milyong katao ang nakatanggap na ng booster dose noong Hulyo 13, batay sa datos ng gobyerno. RNT