PBBM bilang DA chief aprub sa publiko

PBBM bilang DA chief aprub sa publiko

October 21, 2022 @ 5:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakatanggap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mataas na approval rating sa naging desisyon nito na upuan at tumayong Kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Base kasi sa resulta ng Pahayag 2022 Quarterly Survey ng PUBLiCUS Asia na 63% ng mga respondents ang sumang-ayon sa naging desisyon ng Pangulo na kunin ang agriculture portfolio.

May 15% naman ng mga pinoy ang hindi sumang-ayon sa nasabing desisyon habang 22% naman ang undecided.

Ang survey ay isinagawa noong Setyembre 16-20, 2022, na may 1,500 adult respondents.

Sa isang panayam, pinanindigan ni Pangulong Marcos ang kanyang naging desisyon na manatili bilang Kalihim ng DA sa gitna ng naging panawagan ng mga kritiko na magtalaga ng full-time secretary para pamunuan ang departamento.

Pinagbasehan ng Pangulo ang pagsang-ayon ng ibang DA officials , sabay sabing handa siyang bumitaw bilang DA chief kung hindi na siya kailangan.

“I am giving my full attention to the department. And the reason that I stay on up to now I have actually raised the subject with some of the — some of the staff and the employees and the secretaries in the DA and they asked me not to [leave],” ayon sa Punong Ehekutibo.

Aniya, ang problema ng DA ay malalim at ang papel niya bilang Pangulo ay kailangan upang baguhin ito.

Tiniyak naman ni Marcos na magtatalaga rin naman siya ng isang personalidad para pumalit sa kanya bilang DA chief sa oras na maisaayos na ang institusyon at magkaroon na ng mabuting pagbabago.

“When we are able to say that the DA’s functions are properly institutionalized, and the structural changes that we need to make in the DA have been made, and the appointments in the DA have already been made, then saka ako bibitaw . Because then, they don’t need me anymore, they don’t need the President heading the department,” wika pa nito.

Buwan ng Hunyo nang ihayag ni Pangulong Marcos na siya na muna ang mamumuno sa DA sa harap na rin ng ng mga problema sa sektor ng agrikultura.

“As to agriculture, I think the problem is severe enough that I have decided to take on the portfolio of Secretary of Agriculture at least for now,” sabi ni Pangulong Marcos.

Nais umano ng kaniyang administrasyon na pagtuunan ng pansin at makapaghanda sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga pagkain dulot ng “outside forces” na nakaapekto sa food supply. Kris Jose