PBBM bumisita sa MisOcc, nanguna sa pagbibigay-ayuda

PBBM bumisita sa MisOcc, nanguna sa pagbibigay-ayuda

January 11, 2023 @ 1:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Binisita ngayon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lugar na binayo ng matinding pag-ulan sa Misamis Occidental.

Pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng P16.04 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya sa lalawigan.

Nagsagawa ng tatlong “landing attempts” ang eroplano kung saan lulan ang Pangulo bago pa lumapag sa Ozamiz City airport.

Kaagad namang nagsagawa ng briefing si Pangulong Marcos sa airport sa halip na sa Oroquieta City gaya ng orihinal na plano dahil sa masamang panahon.

Kasama ng Pangulo si Misamis Occidental Governor Henry Oaminal.

“Matagal ko na sanang gustong makapunta rito ngunit talaga ‘yung weather ayaw kaming paliparin. So ngayon nagbakasakali na lang kami at tatlong beses kaming umikot hanggang nakapasok kami,” ayon sa Pangulo sa briefing.

Dahil din sa masamang panahon, hindi na nagawa ng Pangulo ang ocular inspection sa Oroquieta City upang makita ang lawak ng pinsala.

“Noong pagdating naman namin dito hindi naman makalipad ‘yung helicopter kaya’t tingnan na lang natin at sinisigurado ko lang na kayo… na nahiwalay sa inyong mga tahanan ay nandito muna ay naaalalayan at naaalagaan ng ating mga DSWD (Department of Social Welfare and Development) at ng ating local government,” ang wika ng Punong Ehekutibo.

Matapos ang briefing, nagtungo ang Pangulo sa Tudela, Misamis Occidental para mamahagi ng relief goods.

Kasama ng Pangulo si Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez Jr.

Samantala, may P55.81 milyong halaga ng financial assistance mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ang ipinagkaloob sa 11,133 benepisaryo sa Misamis Occidental at Misamis Oriental.

Sa nasabing pigura, P8.67 milyon ang ipinagkaloob sa 1,733 benepisaryo sa Oroquieta City.

Sa ulat, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dumanas ng “moderate to heavy”, na may matinding -ulan sa Visayas at Mindanao dahil sa shear line.

Nagdala rin ang Low Pressure Area ng “moderate to heavy” na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na sa Mindanao.

Sa Misamis Occidental, 16,013 pamilya o 56,853 katao ang apektado sa 155 barangay.

Sa naturang bilang, 3,122 pamilya o 9,928 katao ang nasa temporary shelter sa 41 evacuation centers.

Nakapagtala ng 20 katao na namatay kabilang na ang walo sa Oroquieta City.

Mayroon namang 8 kalsada ang apektado subalit sa ngayon ay passable na o maaari ng daanan habang dalawang kalsada naman sa Oroquieta City ang binuksan para sa trapiko noong Disyembre 27. Kris Jose