PBBM dapat mamuno sa NDRRMC sa pag-aksyon sa kalamidad – Legarda

PBBM dapat mamuno sa NDRRMC sa pag-aksyon sa kalamidad – Legarda

July 30, 2022 @ 3:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hiniling ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda na dapat pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang National Disaster Risk Reduction and Management Council upang matiyak ang whole-government response sa kalamidad.

Iminungkahi ito ni Legarda matapos irekomenda ni Senador Imee Marcos na palakasin ang NDRRMC sa halip na lumikha ng panibagong departamento para sa pagtugon sa kalamidad na sinang-ayunan ng Pangulo.

Sa gitna ng kanyang suhesiyon, ibinandila din ni Legarda ang paglikha ng Department of Disaster Resilience upang maging pro-active ang gobyerno sa mga susunod na kalamidad.

Aniya, hindi importante ang pangalan o porma ng bagong ahensiya basta kailangan lamang response-oriented ito.

Iginiit niya na dapat nang likhain ang ahensiya upang sa mahigpit, mabilis at episyenteng pagkakaisa at kolaborasyon ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan.

“Right now, the NDRRM Council is headed by the [Secretary of] National Defense. Just like the President is heading temporarily the Department of Agriculture, perhaps, the President may consider heading the NDRRMC or we can even amend the NDRRM Law,” aniya sa panayam.

“So it is truly a whole-of-government approach where no less than the President would command because we can see and I saw it in the past congresses that the drawdown and the utilization of the NDRRM fund can be very very tedious from the bureaucratic red tape,” dagdag ng senadora.

Ipinaliwanag pa ni Legarda na kailangan pang mamalimos ang local government units sa pambansang pamahalaan upang maipalabas ang NDRRMC funds.

“People who are affected by disasters need not beg for help from the national government and so it would be perhaps wise to strengthen the NDRRMC Law of 2010. That is another possibility which may be more doable in light of the rightsizing,” giit ng senador.

Pwede umanong gamitin ng PIlipinas ang $300 milyon mula sa $500 milyong utang sa World Bank matapos ang pananalanta ng bagyong Odette noong nakaraang taon. Ernie Reyes