PBBM desidido sa pagpapalakas ng digital workforce, E-governance sa bansa

PBBM desidido sa pagpapalakas ng digital workforce, E-governance sa bansa

October 26, 2022 @ 4:19 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Committed si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maisakatuparan ang bisyong gawing “digital Philippines” ang bansa, mapaunlad ang digital infrastructure nito, mapaunlad ang regulatory framework for innovation at matiyak ang cyber security.

Para kay Marcos, kailangan na talagang gawin ang digitalisasyon sa bansa at hindi lamang ito isang suhestyon o desisyon na dapat piliin.

Sa ulat, nahuhuli na kasi ang Pilipinas sa usapin ng digitalization kumpara sa ibang bansa.

“All that is left to do is to have the will and the resolve to achieve it,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa National Information and Communications Technology Summit 2022 sa Manila Hotel.

“So I reiterate my call to our partners: Let us forge ahead, build a better, brighter, more progressive future for the ICT sector, for the bureaucracy, for the entire Philippines,” winika pa nito.

Tuhog aniya ng ganitong hakbang na mai-digitalize ang byurukrasya at gobyerno sa target ng kanyang Administrasyon na mapaunlad ang ekonomiya.

Nakakalungkot lang aniya na sa ginawang United Nations e-government survey ay lumabas na pang-89 ang Pilipinas mula sa 193 mga bansa sa larangan ng digital government landscape o e-governance.

Sa kabilang dako, sinabi pa ni Marcos na kanyang tututukan ang mabilis na pagkakapasa ng e-governance at egovernment bill na maaaring pagsamahin nang sa gayon ay maging digital na ang mga transaksyon sa pamahalaan.

Kaugnay nito’y kinikilala naman ng Pangulo ang magiging partisipasyon ng pribadong sektor na aniya’y maaaring maging katuwang ng gobyerno lalo’t mas angat ito sa larangan ng teknolohiya.

Samantala, nanawagan naman si Marcos sa miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na agad na ipada ang E-Governance and E-Government bills.

Ang pagpapasa ng mga nasabing panukalang batas ay naglalayong tiyakin ang mabilis, transparent at episyenteng serbisyo ng gobyerno.

“I, therefore, call on all our fellow servant-leaders in Congress to help accelerate the approval of these bills once again,” aniya. Kris Jose