PBBM ‘di kailangang nasa ground sa panahon ng kalamidad – Punay

PBBM ‘di kailangang nasa ground sa panahon ng kalamidad – Punay

November 11, 2022 @ 6:03 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Naniniwala ang isang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi kailangang nasa “ground” ang pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr tuwing may kalamidad dahil lagi naman itong nakakatutok sa mga sitwasyon at pangyayari.

Ito ay ayon kay DSWD Usec. Edu Punay sa National Press Club of the Philippines (NPC) forum kasabay ng pagtalakay sa ilang mga programa ng ahensya para sa mga Pilipino lalo na sa mga mahihirap na mamamayan.

“Hindi po kailangang nasa ground ang pangulo sa pagtama ng bagyo dahil siya po ay present even before pa tumama ang bagyo –talagang naghahanda po talaga sila,” saad ni Usec. Punay.

Ang pahayag niya ay sa harap ng mga batikos at kritisismo na ibinabato sa Pangulo tuwing may mga kinakaharap na problema ang bansa.

Samantala, sinabi nito na maraming reporma na ang inaaksyunan ngayon ni DSWD Secretary Erwin Tulfo kung saan regular na pinag-aaralan ang mga panuntunan sa kanilang mga programa .

Aniya may bagong programa ang DSWD na ipatutupad at ito ang implimentasyon ng karagdagang benepisyo sa pamamagitan ng Expanded Solo Parents Act.

Sa utos din aniya ng Pangulo ay inatasan ang DSWD na mamigay ng ayuda sa mga persons with disabilities o PWDs.

“Inaayos na po natin nila sir Erwin ang mga guidelines po na gagawin natin dito sa distribution ng ayuda ,” anang opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden