PBBM ‘di makikialam sa kaso ni De Lima

PBBM ‘di makikialam sa kaso ni De Lima

October 14, 2022 @ 3:38 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Walang nakikitang dahilan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gamitin ang kanyang kapangyarihan bilang Chief Executive sa kaso ni dating Senador Leila de Lima.

Sa isang ambush interview matapos ang 8th Annual Balik Scientist Program Convention sa PICC sa Pasay City, tinanong kasi ang Pangulo sa naging panawagan ng mga mambabatas na gamitin nito ang kanyang legal power para palayain ang dating senador sa pamamagitan ng pag-utos sa prosecutor na i-dismiss na ang mga kaso laban sa kanya makaraan ang hostage-taking incident sa Philippine National Police – Custodial Center.

Bilang tugon, sinabi ng Pangulo na hindi dapat pagdudahan ang judicial system ng bansa.

“I think urging prosecutors to do one thing or another is interfering. So, that’s why I have said we are very, very clear that we have three departments of government at siguro naman hindi natin dapat, pabayaan natin, hindi naman natin pinagdududahan ang proseso eh,” ang wika ni Pangulong Marcos.

“I think the process is there we are continuing to monitor what is going on, the extent..,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.

Samantala, inalala naman ng Pangulo ang naging pag-uusap nila ni De Lima.

Kinausap niya ang dating senadora upang masiguro ang kaligtasan nito.

Sinabi ni Pangulong Marcos na tinanong niya si De Lima kung nais nitong ilipat sa ibang pasilidad subalit mas ginusto ng huli na manatili siya sa kanyang detention center.

“I wanted to ask her if she feels safe because if she doesn’t feel safe sabi ko sa kanya ililipat ka namin, and she said sabi naman niya hindi naman siguro kailangan,” ayon sa Pangulo.

“So she never asked me to do anything, ‘yan lang ‘yung tweet niya, what she tweeted yesterday that’s the extent of it, that’s the extent of our discussion with the former senator,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos. Kris Jose