PBBM ‘di pa nakapagdedesisyon kung dadalo sa World Economic Forum sa Switzerland

PBBM ‘di pa nakapagdedesisyon kung dadalo sa World Economic Forum sa Switzerland

November 14, 2022 @ 10:42 AM 3 weeks ago


PHNOM PENH— Hindi pa nakapagdedesisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung dadalo sa World Economic Forum (WEF) sa Switzerland sa Enero 16-20, 2023. 

Inimbitahan ni WEF Founder and Executive Chairman Klaus Schwab si Marcos sa isang breakfast sa Cambodia nitong Sabado.

Sinabi ni Marcos na pinag-iisipan pa niya kung kasya pa sa kanyang schedule ang nasabing forum.

“So I am undecided yet. It’s travelling too much. That’s already the end of January. I’m going to China on the third,” Marcos said.

“Parang, like my mom says, ‘Kailan ka nag-oopisina?’ Which is — may dahilan din. So I haven’t decided. We’ll see,” dagdag niya.

Sinabi ni Schwab kay Marcos na magandang oportunidad ang pagdalo sa WEF upang i-promote ang Pilipinas sa global business community at makakalap ng investors.

Subalit, ayon kay Marcos, sinusuri pa niya kung handa na ang bansa para rito.

“So papunta ko doon sa Davos tapos sasabihin mo pero hindi, huwag muna ngayon, next year pa. ‘Di ba? Ba’t pa natin gagawin? So ‘yun ang — that’s really the determining factor,” aniya.

“Vietnam, Brunei. Actually lahat invited — kasi first time nila ako na… ‘Yung iba Thailand, first (time) nila ako makilala. So they’ve all invited me. Sabi ko, sige, basta ako naman wala akong hini-hindian,” paglalahad pa ng Pangulo.

“Sinasabi ko lang ‘yung mag-schedule tayo kung kailan libre tayo pareho. That’s down the road. Siguro next year we’ll start honoring those invitations,” patuloy niya.

Kabilang sa mga susunod na foreign trips ni Marcos Jr. ang APEC Summit sa Thailand ngayong Nobyembre, ASEAN-European Union Summit sa Disyembre at state visit sa China sa Enero 2023. RNT/SA