PBBM didirekta na sa Interpol sa blue notice vs Degamo slay suspects

PBBM didirekta na sa Interpol sa blue notice vs Degamo slay suspects

March 19, 2023 @ 10:36 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Hihilingin na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa International Criminal Police Organization (Interpol) ang paglalabas ng blue notice laban sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Govenor Roel Degamo.

Sa ilalim ng blue notice, ang mga miyembro ng Interpol ay kokolekta ng mga impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan, lokasyon at mga aktibidad ng isang tao.

Nauna nang sinabi ng Department of Justice nitong Sabado, Marso 18, na maglalabas din ito ng international lookout bulletin kay Negros Oriental Representative Arnolfo ā€œArnieā€ Teves Jr. sa susunod na linggo.

Matatandaang pinangalanan ng dalawang suspek sa pagpatay kay Degamo na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez, kapwa dating sundalo, na isang “Cong Teves” umano ang nasa likod ng pamamaril sa opisyal.

Sa kabila nito, itinanggi naman ni Teves ang paratang at sinabing hindi siya sangkot dito, o maging ang kanyang kapatid na si Henry.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakaalis na ng Estados Unidos si Teves at ngayon ay “somewhere in Asia”.

Sa kabila nito, noon pang Marso 9 napaso ang travel authority ng mambabatas kaya’t humiling muli ito sa Kamara na bigyan siya ng dalawang buwan na leave of absence dahil sa pangamba nito sa seguridad maging ng kanyang pamilya.

Ayon sa DOJ, umaasa silang babalik na sa bansa si Teves matapos himukin ni Speaker Martin Romualdez na irekonsidera nito ang desisyong lumayo lalo pa’t ngayon ay may reklamong nakahain laban sa kanya.

Samantala, maliban sa apat na suspek, mayroon pang nasa 10 suspek ang patuloy na pinaghahanap sa pagpatay kay Degamo. RNT/JGC