PBBM, duda pa rin sa bilang ng Yolanda deaths

PBBM, duda pa rin sa bilang ng Yolanda deaths

November 9, 2022 @ 11:39 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – HANGGANG ngayon ay kuwestiyonable pa rin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang opisyal na bilang ng mga namatay dahil kay Super Typhoon Yolanda.

Sinabi ni Pangulong Marcos sa ika-9 na taong paggunita sa Super Typhoon Yolanda sa Holy Cross Memorial Gardens, na hindi pa rin siya naniniwala at para sa kanya’y hindi kapani-paniwala na mahigit lamang sa 6,000 katao ang namatay nang manalasa ang bagyo sa Eastern Visayas noong 2013.

“I have questioned it from day one, 6,000 plus ang sabi nila. It’s not 6,000 plus… It’s too late to determine the actual number,” ang winika ni Pangulong Marcos.

Bilang isang senador noong 2013, ilang ulit na nagpahayag ng pagdududa si Pangulong Marcos ukol sa official death toll nang bisitahin nito ang Tacloban.

“We must come to these commemorations so that we will remember those who were told not to remember. If you remember during the count of the casualties, the count was stopped. And we knew that there were still thousands out there,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Ang official Yolanda death count ay pumalo sa 6,300 kung saan 5,902 ang naitala sa Eastern Visayas region.

Sa lungsod lamang na ito, ang official count ay mahigit 2,200 subalit sinabi ni Mayor Alfred Romualdez, pinsan ni Pangulong Marcos na ang numero ay maaaring mas mataas sa 5,000.

“And we knew that there were still thousands out there. And for those thousands, those countless thousands, we come here, we commemorate. Because if we no longer commemorate, their memory dies. And it is only up to us to keep that memory alive,” ayon sa Chief Executive. Kris Jose