PBBM dumalaw sa lamay ni Degamo

PBBM dumalaw sa lamay ni Degamo

March 9, 2023 @ 7:52 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Personal na nakiramay si Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng pinatay na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.

“I just came here para makiramay sa family ni governor. Nagtatanong lang kami kung ano ba yung kailangang gawin para matulungan yung mga biktima pati yung mga nasa ospital ngayon,” ayon sa Pangulo.

“Nandyan yung ibang mga kamag-anak, asawa ng mga namatay kaya’t nakausap din natin at sinabi ko lang sa kanila na makakaasa sila na magkakaroon ng hustisya dito sa inyong probinsya na naging masyadong magulo,” dagdag na wika nito.

Nangako naman ang Pangulo na bibigyan ng scholarships ang mga anak ng mga kasama ni Degamo na napatay din sa insidente at babalikatin ang medical fees  ng mga sugatan.

Sa ulat, sa isang FB live ay kinumpirma mismo ni Pamplona Mayor Janice Degamo, misis ni Gov. Degamo na binawian na ng buhay ang kaniyang mister at limang iba pa kabilang ang mga staff ng gobernador matapos pagbabarilin sa kanyang bahay habang namimigay ng ayuda o 4Ps sa bayan ng Pamplona, Negros Oriental nitong Sabado ng umaga, Marso 4.

Lumilitaw rin sa imbestigasyon na tatlo ang getaway vehicles na ginamit ng mga suspek na kinabibilangan ng Mitsubishi Pajero (NQZ 735), Izuzu pickup (GRY 162) at Mitsubishi Montero (YAP 163) na inabandona sa Brgy. Kansumalig, Bayawan City, Negros Oriental.

Nasa 10 armadong suspek ang nakitang tumakas sa lugar kabilang ang mga lookout.

Samantala, kasama naman ng Pangulo sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa pagbisita sa lamay ni Degamo. Kris Jose