PBBM, European Council President Michel nagkita, nagpulong sa Belgium

PBBM, European Council President Michel nagkita, nagpulong sa Belgium

December 14, 2022 @ 11:46 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagkita at nagkaroon ng pagpupulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at European Council President Charles Michel sa Brussels, Belgium nitong Miyerkules ng umaga, Disyembre 14, oras sa Pilipinas.

Nagdaos sina Marcos at Michel ng bilateral meeting sa Europa Building sa Brussels bago pa ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) – European Union (EU) Commemorative Summit.

Inimbitahan ni Michel si Pangulong Marcos sa Belgium para magpartisipa sa ASEAN-EU event.

Sa panahon ng summit, inaasahan na tatalakayin ni Pangulong Marcos ang mga prayoridad ng kanyang administrasyon partikular na ang pagpapalawak sa kooperasyon sa agrikuktura, kalakalan at maritime ties.

Maliban sa European Union, nakatakda namang magdaos ng bilateral meetings si Pangulong Marcos sa mga lider mula sa Belgium, Estonia, The Czech Republic, Spain, Denmark, Germany, Poland, Finland, at The Netherlands.

Ayon sa Pangulo, babanggitin niya ang Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+), isang mekanismo na pinapayagan ang duty-free exports sa European Union, at ibang world leaders.

Buwan ng Pebrero, pinag-isipan ng European Parliament na alisin ang ilan sa “trading privileges” ng Pilipinas kapag nabigo ang gobyernong Marcos na tugunan ang di-umano’y human rights violations sa bansa.

Nangako naman si Pangulong Marcos na susunod sa European Maritime Safety Agency (EMSA) guidelines sabay sabing ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para tugunan ang obserbasyon ng huli.

Ipinahayag naman ng EMSA ang hinaing nito ukol ss Filipino seafarers gaya ng kakulangan ng shipboard training. Kris Jose