PBBM kinilig sa ‘very good’ satisfaction rating

PBBM kinilig sa ‘very good’ satisfaction rating

February 16, 2023 @ 11:08 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – INILARAWAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “encouraging” ang pinahuling Social Weather Stations (SWS) survey na inilabas nitong Martes, Pebrero 14 kung saan nakakuha ng “very good” net satisfaction rating ang Punong Ehekutibo.

Nagpapakita kasi ito na tatlo mula sa apat na adult Filipino ay “satisfied” sa kanyang performance.

“I don’t really look at surveys kasi… But it’s always encouraging to know that naunawaan ng tao ‘yung aming ginagawa,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang panayam.

“So we will just keep going and keep everybody informed kung ano’ yung aming ginagawa,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, nakatanggap ng “very good”net satisfaction rating si Pangulong Marcos sa pinakahuling survey ng SWS.

“The resulting net satisfaction rating is +68, classified by SWS as very good. This is 5 points up from the very good +63 in October 2022,” ayon sa SWS.

Ipinakita rin ng naturang survey na 75% ng mga adult Filipino ang satisfied, 18% ang undecided at 7% ang dissatisfied sa performance ni Marcos bilang presidente.

Ang gross satisfaction naman kay Marcos ay tumaas din sa 71%, ang gross undecided ay bumaba sa 21% at gross dissatisfaction ay halos hindi gumalaw sa 8% mula noong Oktubre 2022.

Pinakamataas ang net satisfaction rating ni Marcos sa Mindanao sa
excellent +72, sinundan ng very good rating sa Balance Luzon sa +68, Visayas sa +67, at Metro Manila sa +65 hanggang nitong Disyembre 2022.

Kumpara noong Oktubre 2022, hindi naman nagbago ang net satisfaction rating ni Marcos sa Mindanao at Metro Manila.

Sa kabila nito, tumaas naman ng 11 puntos ang satisfaction rating niya sa Visayas at walong puntos sa Balance Luzon.

Mas mataas din ang net satisfaction rating ng Pangulo sa rural areas sa excellent +74 kumpara sa urban areas sa very good +62, ayon pa rin sa SWS.

Tumaas naman ng 13 puntos ang net satisfaction rating ni Marcos sa rural areas, habang hindi halos gumalaw sa urban areas kumpara noong Oktubre 2022.

Samantala, nasa excellent +70 ang net satisfaction rating ng Pangulo sa kalalakihan, at very good naman sa mga kababaihan sa +66,

Ang survey ay isinagawa mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022 kung saan 1,200 adults sa buong bansa ang sumailalim sa face-to-face interview.

Mayroon itong sampling error margins na ±2.8% sa national percentages, ±5.7% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. Kris Jose