PBBM konti na lang byahe sa 2023

PBBM konti na lang byahe sa 2023

January 24, 2023 @ 8:18 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Babawasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga biyahe nito abroad, ngayong taon.

Ito ang sinabi ng Pangulo sa isang panel interview, kung saan tututukan na umano ng pamahalaan ang follow-up sa mga napag-usapan at napagkasunduan nito sa ibang mga world leaders sa kanyang mga nagdaang biyahe.

“‘Yung mga biyahe medyo babawasan na namin for the rest of the year. Ang dahilan ay kailangan naming balikan lahat itong mga nasimulan sa ASEAN, sa APEC, sa China, pati pagpunta sa EU, sa Brussels tapos itong biyahe dito sa Davos eh kailangan naming idetalye ang aming pinagusapan. Sino ba dito ang kinausap natin, ano bang naging usapan natin?” ani Marcos.

“Hindi pa namin nagagawa dahil busy kami, biyahe kami nang biyahe pero at least mayroon kaming nauuwi, ngayon kailangan na natin iconsolidate, kailangan na natin ifollow-up. Kukulitin na natin ‘yung mga kausap natin…” dagdag niya.

Ayon kay Marcos, tanging ang biyahe niya sa Estados Unidos sa Nobyembre ang kumpirmado kung saan siya ay dadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation.

“The one na confirm sa ngayon, APEC, November… sa States… pero November pa ‘yun. Kasi dapat naman talaga ang Philippine president kailangan pumunta sa lahat ng APEC eh… Importante talaga. Marami talagang napaguusapan,” pagbabahagi ni Marcos.

Idinepensa naman niya ang mga naging biyahe abroad at sinabing ang partisipasyon niya sa mga pagpupulong at iba pang event ay makatutulong para sa bansa.

“Kapag hindi tayo bumiyahe at nagpakita sa mga conference na ‘yan, hindi tayo iniisip… wala sa isip nila ang Pilipinas. Iniisip lang nila dito tayo sa Vietnam, diyan tayo sa Indonesia… diyan tayo sa China o kung saan-saan, hindi Pilipinas ang iniisip. Kailangan nating ipakita ano ang ating ginagawa para naman mapaganda ang potential na investment nila na dadating dito sa Pilipinas,” giit ni Marcos.

Ipinunto rin niya na kailangang maipakilala ang sarili at ang Pilipinas sa mundo.

“I’m the new kid on the block. Nobody knows who I am. Kailangan ko magpakilala. Kasi sabi, ‘Oh bago ito, sino ba ‘to? May alam ba ito? Tama ba ‘yung mga ginagawa o ano bang klaseng tao ‘yan?'” ani Marcos.

“In terms of the cost, the way I see it you have to look at it as ROI, do we bring something back or do we not? If you say, as I say I don’t the exact figures of the cost and everything… But for example, we came from China with pledges of $22 billion, let’s say we get actual out of that $1 billion, bawing bawi ang eight trips,” dagdag nito.

Ilan sa mga bansang napuntahan na ni Marcos sa state visit ay ang
Indonesia, Singapore, at China; dumalo rin ito sa United Nations General Assembly sa New York; at ASEAN 2022 sa Cambodia.

Nagtungo rin ang Pangulo sa Thailand noong Nobyembre para sa APEC 2022, Brussels, Belgium para sa EU-ASEAN Summit at ang pinakahuli, ang biyahe niya sa Davos, Switzerland para sa World Economic Forum. RNT/JGC