PBBM: Kulang na suplay, mataas na demand,  mitsa ng taas-presyo ng sibuyas

PBBM: Kulang na suplay, mataas na demand,  mitsa ng taas-presyo ng sibuyas

January 16, 2023 @ 8:52 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines, Napilitan na ang gobyerno ng Pilipinas na umangkat ng sibuyas bunsod ng kakapusan ng local supply at mataas na demand nito.

“May nagsasabing onion, hindi kailangan mag-import. Papaano naman hindi kailangang mag-import? Tignan mo yung production ng Pilipinas, tignan mo yung demand, malayo talaga,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam.

“Sinubukan natin na makuha lahat ng mga smuggled, pero kulang pa rin, kasi hindi rin natin nagamit yung smuggled. Talagang we were forced to import, so that is what they are doing,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na planong magpatupad ng “calibrated importation” ng mga sibuyas sa Pilipinas si Pangulong Marcos.

Ito’y sa gitna ito ng mga agam-agam ng ilang sektor hinggil sa pag-aangkat ng sibuyas ng pamahalaan dahil sa kawalan ng suplay nito sa mga merkado.

Sinabi naman ng Chief Executive na magpapatupad ang pamahalaan ng estratehiya para itaas ang local production ng sibuyas at asukal, at alisin ang pangangailangan para sa importasyon, inilalantad kasi nito ang bansa sa “inflationary risks.”

“We have to go back to the sugar industry, we have to go back to the onion growers and help them, para magkaroon tayo ng production, hindi na tayo kailangan mag-import. Dyan tayo naipit eh, nasanay tayo masyado sa import, so import tayo ng import hindi natin naayos yung production side,” ayon sa Pangulo..

“Kaya nung tinamaan tayo ng pandemya, ramdam na ramdam natin. Same thing like now, when we lost supply from abroad, or when we take supplies from abroad, yung inflationary forces doon, nadadala dito sa Pilipinas. Kaya’t yun ang tinitignan talaga natin ang taas ng inflation, so we have to bring that down for the rest of the year. And I think it will come down,” aniya pa rin.

Samantala, ipagpapatuloy naman aniya ng gobyerno ang digitalisasyon ng Bureau of Customs para tugunan ang problema sa smuggling.

“Yun talaga kailangan pa nating i-solve, masyadong malala na ang smuggling dito sa Pilipinas, kahit na ano, inii-smuggle. So we have to really look into that, and we have some very good ideas which the other people are doing, other countries, and we can use the strategies that they are using. I think the digitalization of the Bureau of Customs is very important,” litaniya nito.  Kris Jose