PBBM magtutungo sa Thailand para sa APEC Summit

PBBM magtutungo sa Thailand para sa APEC Summit

November 16, 2022 @ 7:42 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Lilipad ngayong araw ng Miyerkules, Nobyembre 16, si Pangulong  Ferdinand  Marcos Jr. patungong Bangkok, Thailand para makiisa at sumama sa iba pang  world leaders sa  Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit  hanggang Nobyembre 19.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dadalo si Pangulong Marcos sa  APEC Economic Leaders’ Meeting (AELM) bilang Pangulo ng Pilipinas.

Ito rin ay  “first in-person meeting’ ng mga lider ng  APEC economies simula nang sumipa ang Covid-19 pandemic noong 2020.

Makakasama ng Pangulo ang mga  world leader sa iba’t ibang dayalogo at bilateral talks naman  sa ibang  heads of state sa  sidelines  ng  AELM.

Inaasahan naman na ang magiging paksa ay nakatuon sa  food security, energy security at climate change mitigation.

Nauna rito, kinonsidera naman ni Pangulong Marcos,  dumalo sa 40th at 41st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits noong nakaraang linggo ang ASEAN at APEC  bilang “vital platforms” sa pagsusulong ng interests at mga posisyon ng bansa.

“Iyon ang mga plano namin dahil sa sitwasyon ngayon sa mundo ngayon, hindi natin kaya, kahit sinong bansa — kahit Amerika eh, kahit Russia, kahit China, yung mga malalaki — kahit sila, hindi nila kayang labanan at gawan ng paraan itong mga problemang hinaharap natin na nag-iisa,” ang bahagi ng naging tralumpati ni Pangulong Marcos  sa  harap ng  Filipino community sa Phnom Penh, Cambodia araw ng Linggo.

Ang APEC o tinatawag na Asia Pacific Economic Cooperation ay isang porum o regular na pagtitipon ng 21 gobyerno ng mga bansa sa Pacific Rim (o magkabilang bahagi ng Pacific Ocean) para maitulak ang pagpapatupad ng “malayang kalakalan” sa Asya-Pasipiko.

Kabilang  ngayon sa  kasapi sa  APEC ay ang  Australia, Brunei Darussalam, Canada, Chile, People’s Republic of China, Hong Kong, Indonesia, Japan, Republic of Korea, Malaysia, Mexico, New Zealand, Papua New Guinea, Peru, Philippines, the Russian Federation, Singapore, Chinese-Taipei, Thailand and the United States of America.

Matatandaang , nang magsimula ito noong 1989 sa Australia ay 12 bansa pa lamang ang kasapi saAPEC.

Itinatag ito sa panahong nagbabago ang kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya dahil sa unti-unting pagkalusaw ng Soviet Union at pagpasok ng China sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Ang layunin nito ay patatagin ang kalakalan at ekonomiya ng mga bansang Asya kasama ang mayayamang bansa na itinuturing na Lider sa masiglang kalakalan at ekonomiya sa buong mundo tulad ng Estados Unidos, Canada, Japan, Australia, China at iba pa.

Itinatag ang samahang APEC upang pasiglahin, patatagin at protektahan ang kalakalan sa Asya Pasipiko, na may potensyal, balanse at seguradong paglago sa pag-aangkat at pagluluwas ng mga kalakal.

Inaalam din ng samahan kung ano ang mga balakid sa pag-unlad, at kung ano ang magagawa ng mga ito upang mapigilan kung hindi man matanggal ang mga balakid na ito. Kris Jose