PBBM: Mataas na presyo ng itlog, ipaliwanag

PBBM: Mataas na presyo ng itlog, ipaliwanag

January 24, 2023 @ 6:24 PM 3 days ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong  Ferdinand R. Marcos Jr. kay  Department of Agriculture (DA) Undersecretary Domingo Panganiban  na makipagpulong sa mga “egg producers at traders” para madetermina kung bakit sumirit ang presyo ng itlog ng manok ilang linggo pa lamang ang nakalilipas sa kabila ng sapat na suplay nito sa merkado.

Ang kautusan na ito ng Pangulo ay kanyang inihayag  sa Cabinet meeting habang  tinitingnan ng pamahalaan na ipatupad ang interventions para itaas ang agricultural productivity at tiyakin ang availability ng “nutritious food” sa  abot-kayang halaga.

Humingi ng paliwanag ang Pangulo kung bakit tumaas ang presyo ng itlog ng manok nitong nakaraang mga araw, tinukoy ang malawak na ‘gap’ sa pagitan ng  farm gate at retail prices, na ang pangunahing makikinabang ay ang mangangalakal.

“We determined that the increase in the price of eggs is not commensurate to the increase in production cost,” ayon sa Pangulo.

“So we will have to have a look to see how to control that because we cannot explain almost one-half of the profit margin that we are seeing. We cannot attribute it to cost,” ang wika pa nito.

Sa kabilang dako, base sa price watch ng DA “as of January 13,” ang  medium-sized eggs na retail o tingi ay P9 bawat isa kumpara sa P6.90 noong Disyembre 2022.

Sinabi ng DA na ang itlog ay dapat nabibili ng tingi o isang piraso sa pagitan ng P7 hanggag  P7.50 dahil na rin sa  farm gate prices.

Napaulat na ang itlog ay nabibili ng P9.60 kada piraso.

Upang tugunan ang situwasyon, pinulong ng agriculture department  ang Price and Volume Watch Committee at  Advisory Groups for Livestock and Poultry  para masusing bantayan ang presyo nng itlog sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista  na inalis ng ahensiya ang “certain layers of traders” para maibaba ang presyo ng itlog ng manok.

“We are coordinating with [Philippine] Egg Board also to see the supply situation, and if there are bottlenecks. Right now, what we are doing also is to eliminate certain layers of traders because that will also help bring down the price,” ayon kay Evangelista.

“Hopefully, mas maganda ang production also of the eggs. There are some challenges that our egg producers are faced with that is now being addressed by our Bureau of Animal Industry,” ang pahayag ni Evangelista.

Samantala, sinabi ng DA,  sa report nito sa Malakanyang na ang farmgate price ng medium chicken eggs ay P6.97 kada piraso, 7.89% na mataas kumpara sa presyo noong Disyembre ng nakaraang taon. Kris Jose